Talavera LGU magungutang `pag kinapos sa ECQ budget

Plano ng local government unit (LGU) ng Talavera, Nueva Ecija na mag-emergency loan sa Land Bank of the Philippines (LBP) sakaling kapusin ang pondo ng bayan sa pagpapalawig ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa panayam ng Abante Tonite kay Mayor Nerivi Santos Martinez, siabi nito na malaking pondo ang inilaan sa pamamahagi ng food assistance sa may 35,000 household at tulong pinansiyal sa mga nawalan ng hanapbuhay na mga tricycle at jeepney driver at mga barangay frontliner.

Sinabi pa ni Administrator Nerito Santos Sr. na kahit walang prangkisa ang mga namamasadang tsuper basta’t sinertipikahan ng barangay captain ay makakatanggap ng P1,000 cash assistance.

Ayon pa kay Santos, may ikinakasa pa umanong second wave na tulong lalo na sa mga hindi napasama sa mga benepisyaryo ng social amelioration package.

“Aaminin ko nag-realign na kami ng pondo mula sa ibang mga nakalinyang programa at kung talagang masasaid ang pondo, sa Land Bank na tayo kukuha ng suporta” dagdag ni Mayor Martinez.(Jojo De Guzman)