Talitha Koum nanaig

Racing Feature

Pinanindigan ni Talitha Koum ang paghawak ng unahan mula sa simula at binale-wala ang kanyang mga kalaban na kunin ang unahan noong Sabado sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.

Hanggang finish line, hindi bumitaw si Talitha Koum para mapanalunan ang 2017 PCSO Special 2-Year-Old Maiden Race.

Sakay si jockey Rodeo Fernandez, lumayo pa ng mga tatlong kabayo si Talitha Koum papasok ng homestretch para maangkin ang first prize na P600,000 at magandang tropeo para sa kanyang may-aring si George Raquidan.

“Mabuti sa harapan at matapang mauna,” ang bulalas ni winning rider jockey Fernandez matapos na kunin ang kanyang sariling tropeo sa awarding ceremonies.

Biglang sumulpot ga­ling sa likuran ang rumemateng si Victorious Colt Eda de la Cruz para angkinin ang runner-up prize na P225,000, tersero at naka-salvage ng P125,000 si Royal Signal ng SC Stockfarm.

Nagsipagtapos sa karerang pinaglabanan sa distansiyang 1,200 meters sina Bridgeofdriverkwai ni Atty. Narciso Morales, Prosperity ni LM Javier, at Holy Rain ni Rene Villoria. Naorasan ang karera ng 1:10.2 (23’-21’-25’).