Tama o mali, desisyon ng mayorya makapangyarihan — Ping

Kailangan na lamang tanggapin at irespeto ng napatalsik na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kanyang na­ging kapalaran.

Ito ang iginiit ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagsasabing makapangyarihan sa constitutional democracy ang desisyon ng mayorya.

Binigyang-diin ni Lacson na tulad nilang mga mambabatas, marami rin sa mga mahistrado ng Korte Suprema ang ilang beses nang nakaranas ng pagkatalo sa pamamagitan ng powerful vote of majority.

Iginiit pa ng senador na kahit matibay ang paninindigan ng isang opisyal na siya ay tama at mali ang iba, wala pa rin itong magagawa sa desisyon ng mayorya.

“Just like us, legislators in plenary, most SC justices have suffered defeats a number of times by the powerful vote of the majority. No matter how one believes he was right and the others wrong, he must accept and respect because that is how constitutional democracy works,” saad ni Lacson.

Una nang sinabi ni Lacson na hindi na rin maisusulong pa ang impeachment laban kay Sereno makaraang magdesisyon ang Korte Suprema pabor sa quo warranto petition laban sa kanya.