Tamad na female personality ubos ang ipon

AYON sa isang source na hindi nanununog at nangunguryente ay kailangan nang magtrabaho ngayon ng isang kilalang female personality.

Hindi na puwede ang pagiging tamad-tamaran niya, pati ang kanyang mga sumpong ay kailangang mawala na, dahil wala na siyang maaasahan ngayon para sa kanyang kabuhayan showcase.

Kuwento ng isang source, “Ubos na siya, wala na siyang naiipon, kung saan niya inubos ang natitira pa sa kanya nu’ng aktibo siya sa showbiz, e, siya na lang ang tanungin n’yo!

“Pero ang sure, e, kapos na kapos na siya ngayon, kailangan na niyang kumilos, tantanan na niya ang tamad-tamaran niyang attitude!” madiing sabi ng source.

Meron siyang palaging inaasahan kapag nangangailangan siya, pero ayon sa aming impormante ay naghihigpit na ngayon ang taong palagi niyang hinihingan ng tulong, nagsawa na sa kabibigay sa kanya.

“Ganu’n naman talaga ang mangyayari, magsasawa rin ang tumutulong sa kanya! Maiisip ng palagi niyang binubulabog na kaya niya namang magtrabaho, pero bakit hindi niya ginagawa?

“Wala naman siyang sakit, hindi naman siya baldado, kayang-kaya niyang magtrabaho pero ayaw niyang gawin! Hindi naman puwedeng habambuhay na lang siyang umasa sa iba!

“May sariling buhay rin ang mga nilalapitan niya, una muna siyempre ang kanilang mga pangangailangan kesa sa kanya!” isa pang boldyak ng source sa female personality.

Baligtaran ang mga salitang ginamit ng aming source sa kanyang pagtatapos, “Magbalik-showbiz na kasi siya, iwanan na niya ang bisyo!”

Galit ni Raffy sa staff inurirat ni Ogie

SI Raffy Tulfo na talaga ang man of the hour! Anumang may kuneksiyon sa matapang na radio-TV anchor ay mabentang-mabenta!

Grabe ang kasikatan ngayon ni Raffy Tulfo, siya ang pinipiling pagsumbungan-hingan ng tulong ngayon ng buong bayan, dahil kapag kay Raffy ka raw lumapit ay siguradong tapos na ang problema mo.

Una ay si Alex Gonzaga ang kumarir na mainterbyu ang matapang na news anchor, ang sumunod ay si Ogie Diaz na may nakahandang dalawang bugso ng kanyang panayam kay Kuya Raffy, masayang-masaya ang reporter-manager-vlogger sa naging resulta ng una nitong panayam sa idolo ngayon ng bayan.

Saksi kami du’n, dumating si Ogie sa aming gallery na nakakalampas 800 thousand na ang nanonood ng kanyang vlog, nagkuwentuhan lang kami sandali ay lumaki na nang lumaki ang mga tumututok sa kanila ni Kuya Raffy.

Tanghali ‘yun, labimpitong oras pa lang na naka-upload ang kanyang vlog, ilang oras lang pagkatapos ay nasa mahigit na isang milyon na ang nanonood sa kanyang vlog.

Makabuluhan ang pagba-vlog ni Ogie Diaz, napakalaking tulong ang kanyang ibinibigay sa Kasuso Foundation, ang tahanan ng mga kababaihang may cancer of the breast.

Marami nang sumusuporta sa Kasuso Foundation, pero ayaw namang humingi na lang nang paulit-ulit na tulong ni Ogie sa kanyang mga kaibigan, kaya naisipan ng manager ni Liza Soberano ang pagba-vlog na ang malaking bahagi ng kinikita ay pinakikinabangan ng mga kababayan nating may breast cancer pero kapos na kapos sa buhay para makapagpagamot.

Pinapasukan ng commercial ang mga vlogs na sinusuportahan ng mga kababayan natin, huwag sana kayong maiinip kung may patalastas, panoorin natin nang buo ang vlog para mas marami pang tulong ang maibigay ni Ogie Diaz sa kanyang mabuting pusong matulungan ang Kasuso Foundation.

Sobra ang pasasalamat ni Ogie kay Kuya Raffy, ang balik sa kanyang pagte-thank you ng matapang na news anchor, “Kung kailangan mo pa ang ikatlong buhos ng interview, balik ka lang sa akin.”

Sinuportahan ng mga kababayan nating OFW ang vlog ni Ogie, si Raffy Tulfo kasi ang idol ng mga manggagawang Pinoy sa buong mundo, gusto nilang malaman kung sino ba talaga ang walang inuurungang news anchor-komentarista sa likod ng mga camera.

Halimbawa lang ang mga sumusunod sa mga tanong ni Ogie Diaz kay Raffy Tulfo – “Bakit po ninyo pinagagalitan ang staff n’yo on the air?”

“Gaano na ba kayaman ngayon si Raffy Tulfo?” “Paano n’yo po nalalaman kung totoo o imbento lang ang mga problemang inilalapit sa inyo?”

Nakakaaliw ang kanilang tanungan-sagutan. Pramis!