Tumalima na si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Jose Vicente Salazar sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbakasyon para bigyang laya ang isinasagawang imbestigasyon sa alegasyon ng korapsyon sa ERC.

Ang kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ng ERC ay bunsod ng ginawang pag-suicide kamakailan ni ERC Commissioner Francisco Villa Jr. na ang ipinapalagay na dahilan ay ang “pressure” diumano at katiwalian sa bids and awards sa komisyon.

Matatandaang kasunod ng nangyaring suicide ay iniutos ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw ng mga opisyales ng ERC.

Bukod sa pagpapabitiw sa mga opisyales ng ERC ay nagbanta rin ang Pangulo na hindi bibigyan ng pondo ang tanggapan kung magmamatigas ang mga ito at mananatili pa sa puwesto.

Ang sa amin, sundan na rin sana ng iba pang nagmamatigas na ERC officials ang naging hakbang ng ERC chief upang ­malayang maisagawa ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsyon sa ERC.

Sa ganitong problema, ­higit sa anupaman ay ang interes ng pinaglilingkurang tanggapan ang dapat na binibigyang prayoridad.

Sa pagbibitiw ng ERC chief at iba pang mga opisyales dito ay magkaroon na sana ng linaw ang ugat ng pagpapatiwakal ng ERC commissioner at higit­ sa lahat ay mabigyang-linaw ­sana ang lahat ng alegasyon ng ­korapsyon sa ERC upang matuldukan na kung mayroon man.

Ang sa amin, napakahalaga ng partisipasyon ng mga opisyal­ ng ERC para mapabilis ang proseso ng imbestigasyon kaya ­tama lamang na magbakasyon silang lahat at sibakin kalaunan ang ­mapapatunayang nasa likod ng sinasabing iregularidad.