Hindi na umano maaalala pa ng sinuman ang kanyang pakikipag-’orgy’ sa mga lalaking makakasama sa ‘Party Drug’ kapag ang kanyang inuming alak o juice ay mapatakan ng isa o dalawang beses ng mga nasamsam na ‘liquid ecstasy’ ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan sa Mandaluyong.
Ito ang sinabi ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, matapos na maaresto ang itinuturing na high value targeted drug personality at umano’y utak ng sindikato na Fil-American na si Dennis Ray Aguilar Thieke, 37-anyos, na umuokupa nang sinalakay na condominium sa Unit 2104, 21st floor, Eugenia Tower, Tivoli Garden Residence Coronado St., Barangay Hulo, Mandaluyong City, nitong madaling-araw ng Nobyembre 1, 2017.
Nakumpiska mula sa condo unit ni Thieke, ang 12 gramo ng shabu, 36 tableta at 9 na kapsula ng ecstasy, 13 na iba’t ibang botelya na naglalaman ng liquid ecstasy, 5 sachet ng cocaine, pinatuyong dahon ng marijuana, 1 bote na naglalaman ng dangerous chemical, isang M4 na baril na may dalawang magazine, mga bala at paraphernalia.
Aniya, ang nasabing condo rin ang ginawang laboratory ni Thieke at ito mismo ang nag-eksperimento sa nasabing liquid ecstasy matapos paghalu-haluin ang shabu, marijuana, ecstasy at iba pang gamot.
Si Thieke ay sinampahan na kahapon ng kasong Maintenance of Drug Den, Manufacture of Dangerous Drugs, Possession of Dangerous Drug at Drug Paraphernalia.
“Puwede ring ikamatay ‘yung nakumpiska naming liquid ecstasy kapag nasobrahan ang paglagay ng patak sa sinumang makakainom nito,” giit ni Aquino.