Tamang pagba-budget para ‘di pag-awayan ang pera

Pera ang isa sa mga bagay na napakahirap pag-usapan nang maa­yos ng mag-asawa. Kaya naman hindi kataka-taka na isa sa madalas pag-ugatan ng kanilang away ay ang pera.

Pero imbes na pagtalunan, ano-ano nga ba ang dapat gawin para malutas nang maayos ang gusot sa pera?

Bago magpakasal ay pagkasunduan na ang usapang pinansyal.

Mahalagang may focus o itakda na ang mga layon bago pa man ikasal. Halimbawa na rito ay ang pag-iwas sa pangungutang at ang pokus na makapag-ipon para sa magiging tuition ng inyong mga anak sa takdang panahon.

Pag-usapan kung sino ang hahawak ng pera.

Sabi nga nila, ‘two heads are better than one.’ Bilang isang team, maaaring ang isa ay gagawa ng budget at isa naman ang magta-track ng mga gastusin. Puwede rin namang si misis na halimbawa ang bahala sa mga bayarin at maliit na gastusin habang si mister naman ang bahala sa pagbabayad ng buwis, kontrata, upa at iba pa.

Pantay dapat

‘Wag gawing isyu sa mag-asawa ang laki ng kinikita at ibinibigay na kontribusyon sa bahay.

Hindi porket mas mataas ang kita ni misis ay siya na ang tatayong pad­re de pamilya. Hindi rin porket si mister lang ang kumikita ay mistulang ali­pin na si misis.

Mahalagang parehas na may say ang mag-asawa sa mga pagkakagastusan.

Be honest

Wala dapat lihiman para ‘di mawala ang tiwala. Sa halip, maging tapat sa isa’t isa tungkol sa kita at gastos lalo na sa pagtulong sa sari-sariling pamil­ya o in-laws.

Ibukod ang mga gastos

Maiging pagkakuha ng suweldo ay ibukod na sa bawat sobre ang gastusin o budget para sa pagkain, ba­yad sa kuryente, tubig, telepono at pang-emergency. Kung may sobra ay itabi rin ito para sa libangan o pagpapaganda.

Mag-usap nang mahinahon

Iparamdam na isa’t isa na lagi kang nariyan. Kung may problema ang isa lalo na sa pinansyal na aspeto, mahalagang napag-uusapan ito nang malaya upang mahanapan ng mas mainam na solusyon.

Huwag nang hintaying magkaproblema muna bago pag-usapan ang tungkol sa pera.

Sumangguni sa iba

Kung hirap nang pagkasunduan ang isyu sa pera, mainam na kumonsulta sa isang counselor o sa magpagkakatiwalaan at totoong kaibigan sa halip na sa kamag-anak.

Mas mainam minsan na sa iba sumangguni dahil kapag kapamil­ya ay nagkakaroon ng bias sa mga partido.

Tandaan, ang maayos na komunikasyon ang pundasyon ng matitibay na pagsasama.