Dear Kuya Rom,
Mahirap ang mga magulang ko. High school lang ang natapos ko. Teenager lang ako noon nang magsimula akong magtrabaho bilang construction worker.
May taong nagturo sa akin sa isang kompanyang nagbibigay ng training. Natuto ako bilang driver ng mga heavy equipment. Naging empleyado nila ako. Dahil dito, kahit 25 lang ang edad ko, umaangat ako sa buhay.
Isang kaibigan ko ay car salesman na inaalok akong bumili ng bagong sasakyan. Kaya ko raw ang buwanang hulog, kasi malaki raw ang suweldo ko.
Isa pang kaibigan ko ay travel agent at kinukumbinsi akong mamasyal sa ibang bansa. Ang pinsan ko naman ay nasa real estate at nagsasabi sa akin na bumili ako ng condo o house and lot. Kuya, kailangan ko ng gabay. Maraming salamat. — Oliver
Dear Oliver,
Magandang isapuso na lahat ng pangyayari sa buhay mo ay pagkilos ng Diyos. Alam ng Diyos ang kahirapan ng iyong mga magulang, kaya’t ginabayan ka Niya sa pagsasanay at naiibang trabaho na naging susi sa pag-angat ng inyong buhay.
Ikaw ay pinagpapala ng Diyos ng malaking halaga ng pera sa pamamagitan ng iyong trabaho.
Unawain mong ang perang ito ay ipinagkatiwala Niya sa iyo, at ikaw ay tagapamahala nito. Idalangin mong bigyan ka Niya ng karunungan (wisdom) at pagpipigil sa sarili (self-control/self-discipline) upang maging responsable ka at magawa mo ang tamang paghawak at pamamahala ng pera.
Una, magbigay ka ng pera sa alam mong nangangailangan at ibilang mo itong pag-aalay at pasasalamat sa Diyos.
Ikalawa, gumawa ka ng buwanang budget plan ng pinakasimple at hindi maluhong buhay. Maglaan ka ng pera para sa basic needs pagkain, renta o tulong sa bahay, pasahe at entertainment tulad ng panonood ng sine.
Ikatlo, maglaan ka ng pera para sa basic life insurance. Ito ay paghahanda at paniniguro na may perang makakamit ka o ang pamilya mo sa sandaling ikaw ay maaksidente, magkasakit o bawian ng buhay.
Gawin mo ito dahil mahal mo ang iyong pamilya at gusto mong wala silang alalahanin anuman ang mangyari sa iyo.
Ikaapat, magtabi ka ng pera sa bangko para sa mutual fund at emergencies. Huwag na huwag mong gagalawin ito para sa luho.
Kahit na ikaw ay may SSS at Philhealth benefits, mabuting may nakatabing pera ka sa bangko.
Ikalima, kung balak mong mag-asawa na, mabuting magkaroon ka ng sariling bahay. Gawin mong simple ang kasalan upang magkaroon ka ng pera para sa real estate.
Ikaanim, imbes na kotse, motorcycle ang bilhin mo at mag-ingat ka sa pagmamaneho. Kung gusto mo ng kotse, piliin mo ang lumang modelo na inalagaan ng unang may-ari.
Tiyakin mo na ang makina nito at nasa kondisyon. Tandaan, hindi mo kailangan ng bagong sasakyan para makabiyahe mula Point A to Point B.
Ang travel na inaalok sa iyo, makapaghihintay ito. Mabubuhay at magiging maligaya ka na wala ito. Nawa’y makatulong sa iyo ang mga gabay na ito. God bless you.
Payong kapatid,
Kuya Rom