Hindi masyadong pinagtuunan ng mananaya ang mga dehadong kabayong inilaban ni Atty. Narciso Morales sa mga karera noong Linggo sa MetroTurf.

Bukod sa dalawang na-llamadong nanalo na sina Pampangueno at Taipan One, akala ng marami ay mga walang panalo ang iba pang nasa halos lahat ng karerang pinaglabanan noong Linggo.

Pero nanalo ang limang iba pa na pulos mga dehado at marami ang nagulat nang ang unang limang pinaglabanan ay napanalunan lahat ng mga kabayo ni Atty. Morales – Honeywersmypants, Mandolin, Hook’s Princess, Pampangueno at Taipan One. Ang dalawa pa ay sina Ultimate Royal at Tellmamailbelate.

Kaya nagresulta kaagad ng P96,226.80 na dibidendo sa unang winner-take-all pa lang.

Ang pangalawang WTA ay nagdibidendo ng P82,997.40, ang ikatlo ay P334,371.40.

***

Hinihintay ng marami kung ano ang magiging desisyon ng Games & Amusements Committee na pinamumunuan ni Cong. Gus Tambunting tungkol sa mainit na isyu ng legalidad ng Sabong Online Betting sa mga off-track betting stations.

Nagkaroon ng dalawang hearings sa committee, pinakahuli ay nitong huling linggo ng nakaraang buwan. Gumawa ng isang technical working group ang committee na mag-aaral at magsusumite ng posisyon na siya namang pagdedebatihan sa committee.

Naging mainit ang huling hearing, magkahalo ang opinion ng mga Kongresistang nagsalita at nagtanong sa mga resource persons.

***

Imbes na pagtuunan ng pansin kung paano maipo-promote ang industriya ng karera sa bansa, ang implementasyon ng regulasyon ang napapansing binibigyan ng importansya kaya patuloy na hindi ito umuunlad.

Ito ang nagkakaisang opinion ng maraming major players sa industriya na puwede nang magbigay ng kanilang tunay na damdamin sa tamang panahon. Kung kailan ay sila lang ang nakakaalam.