Kontrobersiyal ngayon ang sinasabing ID na pinaiiral ng lokal na pamahalaan ng Paniqui, Tarlac kung saan obligadong kumuha ng identification card ang mga kapatid nating Muslim sa nasabing lugar.

Ang matindi nito, gusto pa yatang gawing ekspe­rimento ang bayan ng Paniqui dahil may mga nagmumungkahi pa na pairalin ang naturang sistema sa buong Gitnang Luzon para labanan daw ang terorismo.

Ngunit ang tiyak na tanong ng ating kurimaw na suki ng DVD sa Quiapo, ‘bakit mga Muslim lang? Mga Muslim lang ba ang terorista, o may kakaya­hang gumawa ng terorismo?

Sabi ng pamunuan ng pulisya, wala naman daw masama sa naturang ID para sa mga Muslim dahil layunin lang nito na makilala ang mga Muslim na nasa kanilang lugar at masubaybayan ang kanilang galaw. Pero paglilinaw pa nila, hindi nililimitahan ang kanilang kilos at puwede ­silang pumunta kung saan man nila gustong pumunta.

Sa biglang isip, aba’y mukhang tama nga naman ang pulisya. Sino nga ba naman sa atin ang walang dalang ID kapag umaalis lalo na kung malayo ang pupuntahan.

Ang iba sa atin may school ID, office ID, lisensiya at kung anu-ano pa. Ang tanong, kahit ba pupunta sila sa tindahan o aakyat ng ligaw ay kailangan nilang dala ang ID? O in short, dapat ba nilang dala ang ID sa lahat ng oras?

At kung masusing susuriin ang layunin ng Muslim ID, mapapatanong ka, bakit nga naman Muslim lang? Ang mga Katoliko ba o ‘yung iba ang relihiyon na galing sa Mindanao eh mababait na hindi na kailangang pakuhanin ng ID?

Aba’y ano ba ang rehiyon ng lalaking nanunog sa Resorts World Manila na mahigit 30 katao ang namatay? Ano ba ang relihiyon ng mga pusher at killer na adik na target ngayon ng tokhang? ‘Yung mga taong nasa likod ng Bulacan massacre? Hindi baka kaila­ngang kunan ng ID ang kanilang mga ka-relihiyon?

Kaya naman may katwiran ang mga Muslim leader na mangamba sa pinaiiral na taktikang ito sa Paniqui na gustong ipatupad pa sa ibang lugar. Ang taktikang ito ay tiyak na gagamitin at palalakihin ng mga radikal na grupo upang palabasin na may diskriminasyon talaga pagdating sa mga Muslim.

Ngayon pa namang peligroso ang sitwasyon dahil sa nangyayari sa Marawi, at madaling makagamit ng mga radikal ang social media para manlason ng isipin ng mga kabataan, hindi malayo na may mahikayat at may mapaniwala sila.

Kung mayroon mga Kristiyano na nakukumbinsi ng ISIS na magpalit ng relihiyon at sumama sa kanilang grupo, paano pa kaya ang mga Muslim na makararamdam ng diskriminasyon.

Marahil ay dapat pag-aralang mabuti ng mga kinauukulan ang sistema ng pagbibigay ng ID pagdating sa kampanya kontra terorismo. Isa na siguro rito ang pagtalakay muli sa matagal nang mungkahi na national ID system na mailalagay ang relihiyon ng lahat at hindi lang Muslim.

Ngunit kung mga Muslim lang ang hihingan ng ID dahil sa takot na baka terorista sila, aba’y walang pinag-iba ‘yan sa taong praning na nakararamdam ng takot kahit wala namang dapat katakutan. At sino ang panalo kapag ganyan? Ang mga grupong nais maghasik ng takot — terorista.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)