Nanawagan si Agriculture Secretary William Dar sa mga governor ng mga lalawigang maraming palayan na gayahin ang ginagawa ng Nueva Ecija kung saan naglaan ng pondo ang lokal na pamahalaan para bilhin ang palay ng mga magsasaka.
Ayon kay Dar, naglaan ng P200 milyong ang Nueva Ecija para bilhin ang mga basang palay sa magsasaka sa halagang P15 per kilo at ang lokal na pamahalaan na ang magtutuyo at maggigilik dito para maging bigas na ibebenta sa publiko.
Sa palay na P15 per kilo, dapat ay nasa P30 na lang ang magiging presyo ng bigas.
Ngunit, sa halip na makabuti, baka lalo lang nito pabagsakin pa ang presyo ng palay at lalo pang ikakalugi ng mga magsasaka.
Nauna nang nabalita na sumadsad sa pito hanggang walong piso ang presyo ng kada kilo ng palay sa NE dahil sa pagbaha ng imported rice.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, tuloy-tuloy ang pagbagsak ng presyo ng palay ngayong taon. Sabi ng PSA, bumagsak ang presyo ng palay sa P17.62 per kilo noong August 23 mula sa P17.72 nu’ng August 16.
Sa pagtalaga ng presyo ng Nueva Ecija na P15 per kilo sa palay, mas lalo nang bababa pa ang presyo nito sa susunod na mga linggo. Ang Nueva Ecija kasi ang isa sa may pinakamalaking produksyon ng palay sa bansa. (Eileen Mencias)