Nasawi ang isang lalaki na may sakit umano sa utak, matapos mabaril ng pulis na pumigil sa pag-aamok nito at pananaga sa dalawang katao sa Atimonan, Quezon, Sabago nang umaga.

Kinilala ang namatay na si Edmerson Leguro Libot, 32, walang trabaho, taga-Brgy. San Andres Bundok.

Batay sa ulat ng Atimonan Police, alas-11:20 ng umaga nang rumesponde ang mga ito dahil sa pagwawala ng suspek habang bitbit ang isang itak at hinahamon ng away ang bawat makita sa daan mula sa kanilang lugar.

Nakarating ang suspek sa karatig barangay ng Inaclagan kungsaan pinagtataga nito ang dalawang barangay tanod na sina Manuel Pañoso Joven at Arnaldo Vallesteros Cañada na nagtangkang umawat.

Tinangka naman itong arestuhin ng nagrespondeng pulis na si PO1 Marco Polo Umali subalit dinaluhong din ito ng suspek.

Napilitan itong barilin ng pulis nang dalawang beses sa paa. Isinugod si Libot sa pagamutan ngunit nasawi dahil sa mara­ming dugo ang nawala rito.

Ayon sa ina ng suspek, makailang beses nang nangyari ang pag-aamok ng anak tuwing sinusumpong ito ng sakit na pagkawala sa sarili.

Inilipat naman sa ospital sa Lucena City ang dalawang tanod na nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang parte ng katawan.