Inararo ng Far Eastern University Tamaraws ang six-game winning streak matapos suwagin ang University of Sto. Tomas Growling Tigers 59-48, kahapon sa LXXIX Season ng UAAP men’s ­basketball sa Mall of Asia Arena.

Tumabas si guard Joe Trinidad ng 16 points, humablot si big man Raymar Jose ng nine points at 14 boards at tumibay ang kapit ng defending champion Tamaraws sa second spot tangan ang 7-2 card.

Nalasap ng Tigers ang panglimang sunod na talo at sumemplang sa No. 8 sa 2-7.

Para kay head coach Nash Racela, kailangan­ pang dagdagan ang kayod para lumakas ang tsansang­ maidepensa ang titulo.

May game-high 18 points si Louie Vigil para sa Tigers, kumana si Jeepy Fuando ng 10 points at 17 rebounds.

Samantala, patuloy ang paninilat ng UP Fighting­ Maroons matapos sagasaan ang Adamson Soaring Falcons, 70-66, sa unang laro.

Pumutok ng tig-16 points sina Paul Desiderio at Jett Manuel, sumuporta si Javi Gomez De Liano ng 13 points, six rebounds at two steals para sa UP.

Unang biniktima ang Ateneo noong Sabado, tinuhog ng Fighting Maroons ang unang winning streak ngayong season tungo sa 3-6.

Nalaglag sa 4-5 ang Falcons.