Ipinaramdam ng De La Salle University Green Archers ang lakas matapos panain ang defending cham­pion Far Eastern University Tamaraws, 83-78, kahapon sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumuhog si Jeron Teng ng 28 points, may 13 puntos si big man Ben Mbala para ilista ang unang panalo sa season ng title favorite Green Archers.

Hindi naging madali ang panalo ng La Salle kahit lumamang sila ng 16 puntos sa third quarter.

Kumana ng pitong puntos ang graduating forward na si Teng sa hu­ling dalawang minuto para itakas ang panalo ng DLSU.

Tabla ang iskor sa 74-74 matapos umiskor si Jojo Trinidad para sa Tamaraws pero sumagot si Mbala ng isang free throw at dalawang puntos kay Teng para ilagay muli sa ibabaw ang DLSU, 77-74.

Hawak pa rin ng Green Archers ang manibela 81-77 may 57 segundo pa sa fourth, tumawag ng timeout ang FEU pero pagbalik ay sumablay ang open 3 ni Trinidad kaya lang ay nakuha pa rin nila ang bola.

Pagkakataon ng Tamaraws na idikit ang iskor pero isa lang ang naisalpak ni Trinidad sa dalawang libreng tira may 21 segundo na lang sa orasan.

Sa unang laro, nanaig ang Natio­nal University Bulldogs sa University of the East Red Warriors, 72-66.

Nagtala si Alfred Aroga ng 16 points, 13 rebounds at apat na blocks habang 13 ang binakas ni J-Jay Alejandro para ilista ang unang panalo ng National University ngayong season.