Umakyat sa solo second ang Far Eastern­ University Tamaraws matapos suwagin ang mahirap na 78-75 panalo laban­ sa National University Bulldogs kahapon sa Season LXXIX UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena.

Naligtasan ng defending champion­ Tamaraws ang career-best 31 points ni ­J-Jay Alejandro at malupit na rally ng Bulldogs para tapusin ang first round campaign sa 5-2 karta.

Winagayway ni Monbert Arong ang kanyang 22 points, pero sina Ron Dennison­ at Richard Escoto ang kumana ng back-to-back baskets para basagin ang 71-all at makalamang ng apat na puntos ang FEU, 66 seconds na lang sa orasan.

Split sa free throw line si Alejandro at saka tumipa ng tig-isang puntos sina Dennison at Jojo Trinidad sa stripe din tungo sa 77-72 lead ng Tamaraws.

May 9.8 ticks pa sa fourth, hind­i basta bumigay ang Bulldogs nang ­sumakmal ng tres si Matt Salem para ibaba sa dalawang puntos ang hinahabol.

Isa lang ang pumasok sa freebies ni Wendell Comboy kaya nagkaroon ng tsansa ang NU na itabla ang iskor, pero nagmintis si Revrev Diputado.

May pinagsamang 36 puntos sina Comboy, Escoto at Axel Inigo at sinuwag ng FEU ang pang-apat na sunod na panalo.

Samantala, dinagit ng Adamson University Falcons ang University of Sto. Tomas, 79-52, para saluhan sa triple-tie sa third ang Ateneo Blue Eagles at NU sa 4-3 records.