Dengue
Hulyo 15, 2019 nang ideklara ng Department of Health (DOH) ang Natio­nal Dengue Alert makaraang sumirit ang bilang ng mga nabibiktima ng sakit dulot ng kagat ng lamok na may dalang virus.

May kabuuang 271,480 kaso ng dengue ang naitala sa bansa mula Enero hanggang Agosto, mas mataas ito ng 95 porsiyento kumpara sa 85,981 noong 2018. Kabilang ang Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, at Nor­thern Mindanao sa nakahigit pa sa epidemic threshold.

Tigdas
Idineklara ang outbreak sa tigdas noong Pebrero makaraang makapagtala ang DOH ng higit 8,000 kaso ng tinamaan nito.
Batay sa ulat, pinakamarami ang tinamaan ng sakit mula sa Cala­barzon at Metro Manila. Nakapagtala rin ng nasa 136 na nasawi.

Polio
Noong Setyembre pumutok ang balitang muling nanumbalik ang polio sa bansa makaraan ang halos 20 taon simula nang ideklara ang Pilipinas bilang polio-free country.

Ito’y matapos tamaan ng sakit ang 3-anyos na batang babae sa Lanao del Sur. Sinundan pa ito ng 7 iba pa mula sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.
Maging ang World Health Organization (WHO) ay nabahala sa pagbabalik ng polio sa bansa at itinuturong dahilan nito ay ang mababang bilang ng nagpabakuna.

Naitala noong 2018 ang 66 porsiyento ng nagpabakuna para sa sakit, pinakamababa umano sa loob ng 10 taon. Itinuturo pa umanong ugat ng takot sa pagpapabakuna ay dahil sa nangyaring isyu hinggil sa Dengva­xia vaccine.

African swine fever
Dineklara ang ASF noong Set­yembre makaraang tumaas ang kaso ng tinatamaan ng sakit. Nagresulta ito sa bilyong pisong pagkalugi sa mga negosyanteng nag-aalaga ng baboy.

Kabilang dito ang Mekeni Food Corp. na kinumpirmang nagpositibo sa ASF ang ilan sa kanilang mga produkto noong Nobyembre. Bago ito, boluntaryong nag-recall ng kanilang produkto ang nasabing kompanya noong Oktubre. Disyembre 6, 2019 naman nang ianunsyo ng kompanya na balik normal ang kanilang operasyon.

Pekeng suka sa merkado
Natuklasan sa pag-aaral ng Department of Science and Techno­logy-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na inilabas noong Mayo, na walo sa 10 brand ng suka sa bansa ay gawa mula sa synthetic acetic acid at hindi nakuha mula sa mga natural na sangkap.

Noong Hunyo, pinangalanan ng Food and Drug Administration (FDA) ang limang brand ng suka na may halong synthetic acetic acid. Kabilang dito ang house brand ng Rustan’s supermarket na Surebuy Cane Vinegar (na ang expiry date ay Marso 26, 2021); gayundin ang Tentay Pinoy Style Vinegar (na ang expiry date ay Marso 18, 2021); Tentay premium vinegar (Batch/Lot No. TV SEP0718AC); Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim (expiry date Hunyo 6, 2020); at Chef’s Flavor Vinegar na batch 8870401 at Abril 1, 2021 ang expiry date.

Batay umano sa administrative order na nagtatakda ng Standard of Identity and Quality of Vinegar, ang suka na mayroong ‘artificial matter’ katulad ng synthetic acetic acid ay hindi maaaring ibenta sa publiko.

Kaso ng HIV sumirit
Inanunsyo ni Dr. Louie Ocampo, UNAIDS Philippines director, na ang bansa ang nanguna sa pinakamabilis na pagdami ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa buong mundo.

Sa tala ng DOH, mayroon nang 69,512 kabuuang bilang ng mga naitalang indibidwal na mayroong HIV sa bansa. Noong Hulyo 2019, mayroon na umanong 346 kaso ang naitala na biktima nito na may edad 15 hanggang 24.

Nabubuntis na
kabataan lumobo
Nagpahayag ng pagkaalarma ang Commission on Population and Development (Popcom) matapos pumangalawa ang Pilipinas, kum­para sa iba pang bansang kabilang sa Association of Southeast Nations (ASEAN), sa may pinakamataas na nabubuntis na kabataan.
Ayon pa kay Usec. Juan Antonio Perez III, executive director ng Popcom, isa sa anim na kabataang babae o 200,000 dalagita ang nagdalang-tao na at nanganak at 60,000 sa kanila ay naulit pa ang pagbubuntis habang sila ay teenager pa lamang.

Pagbawal sa vape
Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa paggamit, pag-import ng vape o electronic cigarette sa pampublikong lugar buong bansa noong Nobyembre.

Una rito, naitala ng DOH, ang unang kaso ng vaping-associated lung injury na kinasangkutan ng 16-anyos na babae mula sa Central Visayas.

Kasunod nito, inutos ni PNP Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang paghuli sa mga nagbi-vape sa pampublikong lugar. Kinumpiska lamang ang vape at hindi naman ikinulong ang mga nahuli sa mga operasyon.