Tanaw-balik: Nene Pimentel hinudas nina Cayetano, Villar

pimentel

Isang beses lang na­ging Senate President ang namayapang si Aqui­lino ‘Nene’ Pimentel Jr. Ito ay noong 2000 hanggang 2001.

Pero maluluklok sana siyang lider muli ng Senado noong 2007 kung hindi lang hi­nudas ng ilang kasamahan sa Genuine Opposition (GO).

Itinulak ni Senador Panfilo Lacson na ma­ging Senate President si Pimentel matapos ma­nalo ang walong kandidato ng GO noong 2007 senatorial elections.

Kasama ang ina­asahang boto nina Mar Roxas, Jamby Madrigal, Rodolfo Biazon, Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada, kasado na sana ang puwesto kay Pimentel.

Subalit nakipag-al­yansa sina Manny Villar at Alan Peter Cayetano sa mga senador na kaalyado noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaya’t nasulot ang puwesto kay Pimentel at napunta kay Villar.

Ibinoto si Villar nina Edgardo Angara, Joker Arroyo, Miriam Defensor-Santiago, Enrile, Francis Escudero, Estrada, Ri­chard Gordon, Gringo Honasan, Lito Lapid, Francis Pangilinan, Ramon Bong Revilla Jr. at Juan Miguel Zubiri.

Binoto naman si Pimentel nina Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, Biazon, Lacson, Loren Legarda, Jamby Madrigal at Roxas.

Dadalhin ngayon ang labi ni Pimentel sa Senado para sa necrological rites bago ibiyahe sa Cagayan de Oro City at ili­bing sa kanyang hometown.