TANAW-BALIK SA DEKADA Pinakamalalakas na kalamidad

Habagat magpapaulan sa Luzon; ‘Goring’ lumayas na sa PAR

Nitong nakaraang isang dekada ay nagkaroon ang bansa ng malalakas na bagyo at lindol na kumitil sa libo-libong katao.

Narito ang ilan sa malalakas na bagyo at lindol na tumama sa Pilipinas mula taong 2009 hanggang 2019.Bagyong ‘Yolanda’

Nanguna ang bagyong Yolanda na dumaan sa bansa nitong Nobyembre 3, 2013 sa pinakamaraming bilang ng nasawi na umaabot sa 6,300 katao matapos nitong hagupitin ang mga lugar sa Visayas na kinabibilangan ng Leyte, Samar, Bohol, Cebu, Iloilo, Bacolod, parteng Luzon na kinabibilangan ng Masbate, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Romblon at Quezon gayundin ang Davao Oriental sa Mindanao.

Isa ito sa pinakamalakas na mga bagyo sa mundo na naitala kailanman, nagpabilis sa isang bihirang public storm signal bilang 4 sa Visayas.
Nagdulot ito ng napakalaking pagkawasak at pinsala, ang pinakamalubhang kalamidad na tumama sa bansa.

Bagyong ‘Pablo’
Isa sa mga pinakamalalang bagyo na tumama sa Minda­nao, ang rehiyong bihirang tamaan ng bagyo na nagdulot ng malawakang pagbaha, nakaapekto sa milyong tao mula sa malawakang pagkasawi at pinsala.
Naabot ng bagyo ang super typhoon ca­tegory 5, ang pinakamataas na antas pagdating sa pinakamalakas na puwersa ng hangin ng bagyo at ang laki ng mga potensyal na pinsalang maaari nitong idulot. Nagdulot ng dalu­yong, 1,067 katao ang nasawi habang 834 ang nawawala.

Bagyong ‘Sendong’
Tumama ito sa Mindanao noong Disyembre 16, 2011 at nang-agaw ng 1,080 katao.

Nagdulot ng dag­liang pagbaha na du­maloy sa gilid ng bundok, nagbunot sa mga puno at pag-apaw sa mga ilog. Tinangay sa dagat ang mga bahay na mga pamilyang naapektuhan. Tumagal ng ilang buwan bago maibalik muli sa rehiyon ang suplay ng kuryente at malinis na tubig.
Dahil sa malawakang bilang ng mga nasawi at pinsala, iti­nuring ito na isa sa mga pinakanakamamatay na bagyo sa bansa sa loob ng 12 taon (bago ang bagyong ‘Yolanda’).

Bagyong ‘Pepeng’
Ang bagyong ito ay tumama sa lalawigan ng Cagayan at Cordillera noong Oktubre 3, 2009.

Habang unti-unting bumabawi ang mga tao mula sa ganap na pinsalang hatid ng ‘Ondoy’ sa Luzon, nakapasok ito sa bansa noong Setyembre 30, na nagpalala ng pinsala sa rehiyon. Nagdulot ng mga pagguho ng lupa.
Umabot sa 492 katao ang nasawi sa nasabing bagyo.

Bagyong ‘Ondoy’
Naapektuhan ang Gitnang Luzon at Metro Manila. Nagdala ito ng pang-isang buwang dami ng ulan sa loob ng 9 na oras lamang, na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Kalakhang Maynila at ilang bahagi ng Gitnang Luzon.
Nakapagtala ang Pagasa ng record high na dami ng ulan sa loob ng 24 oras, 455 milimetro (17.9 talampakan) kung saan 464 katao ang nasawi, 529 ang sugatan at 37 ang nawawala.

Hanging habagat
Ang habagat na nagsimula noong Agosto 6, 2012 at nagdala ng matinding pag-ulan sa Luzon at Metro Manila sa loob ng walong araw noong buwan ng Agosto na naging sanhi ng malawakang pagbaha at nag-iwan ng 109 patay.

Bagyong ‘Vinta’
Ang bagyong ito ang humagupit sa Caga­yan, Cordillera, Caraga region at Davao noong Disyembre 22, 2017.

Nagdulot ito ng malawakang pagbaha at pagkasira ng mga bahay sa nabatid na lalawigan na kumitil ng 266 na buhay.

Bagyong ‘Ompong’
Noong Setyembre 11, 2018 ay hinambalos ng bagyong ‘Ompong’ ang lalawigan ng Cagayan, Cordillera at Ilocos Region. Nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, pagkaputol ng puno at komunikasyon na kumitil sa buhay ng 143 katao.

Mga lindol
Nakapagtala naman ng 7.2 magnitude na lindol sa Bohol noong Oktubre 15, 2013 kung saan 222 ang nasawi, 796 ang sugatan at 8 ang iniulat na nawala.

6.7 magnitude na lindol naman ang tumama sa Bisayas noong Pebrero 8, 2012. 51 ang patay, 62 nawawala at 112 su­gatan ang naitala.

Mga lindol sa Cotabato ng 2019—Sunod-sunod na paglindol ang naganap sa isla ng Mindanao sa katapusan buwan ng Oktubre 2019, ito ay tinatawag na earthquake swarm tulad ng nangyari sa lindol sa Batangas (2017).

Oktubre 16, naitala ang magnitude 6.3 sa mga bayan ng M’lang, Tulunan at lungsod Kidapawan at ilan pang bayan at lungsod sa Soccksargen.

Oktubre 29, naitala ang magnitude 6.6 sa mga bayan ng Tulunan, Makilala, Digos, Malungon at Kidapawan sa mga niyanig rin ng lindol noong Oktubre 16. Ang matinding napuruhan nito ay ang lungsod Kidapawan.

Oktubre 31, ay naitala ang magnitude 6.5 sa mga bayan Tulunan, Makilala, Kidapawan at Santa Cruz matapos ang lindol kinahapunan.

Isang magnitude 5.9 ang naitala sa 22 kilometro ng Kibawe, Bukidnon at ang episentro nito ay sa Kadingilan, Bukidnon pasado alas-9:22 nang gabi. Nag-iwan ito ng malawakang pagkasira ng mga kabahayan at pagputol ng mga linya ng kuryente.

Lindol sa Davao del Sur; Sinundan ng magnitude 6.9 na lindol ang nagpayanig sa Mindanao noong Dis­yembre 15, 2019 matapos ang sunod-sunod na paglindol.