Iba’t ibang istorya hinggil sa pagprotekta sa kalikasan ang binalikan ng Abante Tonite. Kabilang sa mga ito ay hinggil sa pagkuha sa mga yamang kalikasan, pagpatay sa mga pomoprotekta sa kagubatan at iba pang giyera para pangalagaan ang kalikasan. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

P2B taklobo nasabat sa Gensan
Mahigit sa P2 bilyong halaga ng taklobo ang nasabat ng pulisya sa Brgy. Ba­wing sa General Santos City noong Oktubre 2019. Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang pulisya ng sumbong hinggil sa tone-toneladang taklobo na nakatambak sa lugar, ayon na rin sa National Bureau of Investigation (NBI) Davao Region.

Ang nasabing mga taklobo ay ibi­nibenta umano sa halagang P5,000 kada kilo. Ginagawa umano itong alahas ang mga ito tulad ng perlas kung saan isa rin umano ito sa mga sangkap sa paggawa ng cosmetic products.

Giyera para sa Manila Bay
Setyembre 30, 2017 pinaiimbestigahan Department of Environment and Na­tural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang pagtatapon ng bulto-bultong basura sa Manila Bay na galing sa marine loading transfer station ng garbage ope­rator na Philippine Ecology Systems Corp. (PHILECO) nang sumunod na buwan ay tuluyang sinuspende ng kalihim ang operasyon ng kompanya.

Sinimulan naman noong Enero 2019 ang tinaguriang ‘Battle for Manila Bay’. Simula nito, nakapaglabas na ang DENR ng higit 1,500 Notice of Violation sa mga establisimyentong lumabag sa mga kautusang nangangalaga sa kalikasan, at nakakolekta na rin ng 1.6 milyong kilo ng basura mula sa mga cleanup activity.

Inaasahang matatapos at maipapanumbalik ang kagandan ng Manila Bay at magiging isang tourist destination ito bago matapos ang term o panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Balik-alindog sa Boracay
Nagsimula noong Abril 26, 2018 ang anim na buwang pagsara sa isla ng Boracay para sumailalim sa rehabilitasyon, makaraang tawagin ito ni Pangulong Duterte na ‘cesspool’.

Natuklasan dito na galing sa mga inidoro ng ilang lumabag na establisimyen­to ang dumi na dumadaloy diretso sa karagatang nilalanguyan ng mga turis­tang nagbabakasyon sa isla.

Byebye basura ng Canada
Sa pagitan ng Hunyo 2013 hanggang Enero 2014 dinala sa bansa ang nasa 50 container van na dineklarang naglalaman lamang ng mga recyclable plastic, ngunit nang buksan ng Bureau of Customs ay hindi lamang pala ito ang laman nito kundi mayroon ding mga diaper at iba pang household waste.
Noong Abril 2019 nang iutos ni Pa­ngulong Duterte sa Canada na ibalik ang basura at nagbanta pa ito na magdedeklara ng giyera laban sa nasabing bansa kung hindi ito gagawin.

Mayo 31, 2019, anim na taon makalipas ang pagdating ng mga container van, ibinalik na ang natenggang basura sa Canada.

Basura pa more mula sa SoKor
Hindi lamang imported na basura mula sa Canada ang namerwisyo sa bansa, nadiskubre din kasi ang tinatayang 1,400 toneladang basura na tinapon sa pasilidad ng Verde Soko Philippines Industrial Corp sa Tagoloan, Misamis Oriental mula sa South Korea noong Hulyo at Agosto 2018.

Nakawan sa Avioln Zoo
Umabot sa tinatayang P2 milyon­g ha­laga ng mga hayop na inaalagan sa Avilon Zoo sa Rodriguez, Rizal ang ninakaw noong Agosto 19, 2018. Ba­hagi ng conservation program ang mga ninakaw na kabilang sa tinuturing na malapit nang maubos na hayop, kabilang sa mga ninakaw ay unggoy, ibon na nasa mga hawla at hindi umano basta makukuha kung hindi marunong mag-alaga ng hayop.

Pagpatay sa forest ranger
Setyembre 27 2017 pinanukala ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na sanayin ang mga forest ranger sa Palawan sa paggamit ng baril, para proteksyonan ang sarili laban sa mga illegal logger.

Ginawa ito matapos barilin at napatay umano ng mga illegal loggers ang barangay captain at miyembro ng El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area board na si Ruben Arzaga, 49, ng El Nido Palawan. Isa pang forest ranger na si Lito Eyala, 23, ang napatay din umano ng mga illegal loggers sa Palawan noong 2017.

Isa pang community environment and natural resources officer na si Ronaldo Corpuz ang napatay din sa Muñoz, Nueva Ecija noong Oktubre 2019.