Tandang Sora flyover 2-taong isasara

Tandang Sora flyover 2-taong isasara

Sa darating na Pebrero 23 ay pinaghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista dahil makakaranas ito ng mabigat na daloy ng trapiko bunsod ng gagawing pagsasara ng Tandang Sora flyover at intersection para sa konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) 7 sa susunod na linggo.

Simula alas-11:00 nang gabi, ang apat na lane ng Tandang Sora flyover at intersection sa may Commonwealth Avenue ay isasara bilang paghahanda sa konstruksyon ng MRT 7 Tandang Sora station at elevated guideway and pocket track.
Ito ang pahayag kahapon ni MMDA General Manager Jojo Garcia sa isang pulong balitaan sa tanggapan ng ahensiya sa lungsod ng Makati.

Magtatagal ang closure ng dalawang taon na makakaapekto sa hi­git 100,000 motoristang bumabiyahe sa Commonwealth Avenue at 2,000 hanggang 3,000 motoristang tumatawid naman sa Tandang Sora intersection.

Ida-divert sa isang temporary U-turn slot na may layong 500 metro mula sa Tandang Sora intersection ang mga apektadong motorista.

Ayon kay Garcia, ang paglalagay ng elevated U-turn slot sa lugar ay imi­nungkahi ng MMDA para makatulong na mapagaan ang daloy ng trapiko kung saan ginagawa ang MRT 7.

“Inutusan na natin si Director Neomie Recio ng MMDA Traffic Engineering Center para bisitahin ang lugar at pag-aralan kung saan ilalagay ang elevated U-turn,” ani ni Garcia.