Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang 48-anyos na lalaking naglalakad malapit sa isang bus terminal sa EDSA, Cubao, Quezon City nitong Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang voter’s ID na si Jerry Cruz Peralta na nakatira sa 69 A 2nd Midland Manor, Ortigas Avenue, Greenhills, San Juan City.

Batay sa inisyal na report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang krimen dakong ala-1:40 ng hapon sa EDSA northbound sa harap ng Activa Filinvest malapit sa Superlines bus terminal.

Nalaman sa pag-iimbestiga ni Master Sergeant Julius Cesar Balbuena ng QCPD-CIDU, naglalakad umano ang biktima nang tapatan ng riding-in-tandem at agad na pinagbabaril.

Mabilis na umeskapo ang mga suspek nang duguang bumulagta ang biktima.

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, ang mga suspek na sakay ng motorsiklo ay nakasuot ng helmet, jacket at maong pants.

Patuloy pa ang pag-iimbestiga ng pulisya sa insidente.

Naganap ang pag-atake ng riding-in-tandem sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine checkpoint sa Metro Manila at iba pang mga probinsya sa buong Luzon.

Sa pinaiiral na enhanced community quarantine ay pinagbabawal din ang magka-angkas sa motorsiklo.(Dolly B. Cabreza)