Isang tricycle driver ang nasawi habang sugatan ang tatlong katao matapos umatake ang riding-in-tandem kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni SPO4 Glenzor Vallejo, ang nasawi na si Miguel Perez, 31, taga-362 Velasquez St., Tondo, Mayila habang sugatan sina Marlon Clemente, 29; Crisanto Francisco, 21, at Joshua Carbonel, 28, pawang tricyle driver at taga-Tondo.
Sa imbestigasyon, pasado alas-12:00 ng hatinggabi, naghihintay umano ng mga pasahero ang mga biktima sa harap ng Kevin Roasted Chickens sa may panulukan ng Capulong at Velasquez Sts., Tondo, Maynila nang dumating ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo at nakasuot ng helmet.
Lumapit umano ang mga suspek kay Perez at Clemente at walang sabi-sabing nagpaputok ng baril kung saan tinamaan si Clemente sa kamay, kanang hita at nagkaroon ng mga galos sa mukha, habang si Perez ay tinamaan ng mga bala sa itaas na bahagi ng katawan. Si Francisco naman ay tinamaan sa dibdib habang si Carbonnel ay nagkataong nakatayo malapit sa lugar ay tinamaan sa kanang noo.