Tanduay ayaw bumigay

pba-d-league-racal-masters

Pinahaba ni Gelo Alo­lino ang buhay ng Tanduay Rhum Masters nang isalpak ang pandiin na layup para kaldagin ang Racal Tile Master, 88-86, kahapon sa PBA D-League Foundation Cup semifinals sa Strike Gym.

Tumikada si Alolino ng 26 points at nakapu­wersa ang Rhum Masters ng do-or-die game sa Martes sa parehong venue.

Nagsalpak ang da­ting NU Bulldog ng apat na three-pointers, kasama ang ibinaon sa ope­ning stretch ng third quarter nang maka-ipon ang Rhum Masters ng 68-45 lead.

Tumulong din sa opensa sina Kevin Ferrer at Reden Celda sa homestretch kaya nakatakas ang Rhum Masters sa rally ng Tile Master.

Tumipa si Celda ng 15 markers, may 13 si Ferrer.

Nagkasa ng 8-0 run ang Tile Master sa dulo ng third at natapyas ang lamang ng Tanduay, 72-63, papasok ng fourth canto.

Naging agresibo ang Racal sa payoff period at nakahabol sa huling tatlong minuto ng laro.

Pagkatapos ng layup ni Alolino, mintis ang pampanalo sanang 3-pointer ni Jonathan Grey, tumapos ng 21 points sa Racal.