Tangkad sagad plano ni Guiao sa Team PH

Tangkad sagad plano ni Guiao sa Team PH

Kilala ang Pilipinas na madiskarte pagdating sa larangan ng basketball, lalo na’t kailangang punan ng mga manlalaro ang kakulangan sa height sa international tournament.

Ngunit ngayon, hindi na salat ang Team Pilipinas sa mga ‘higante’ ng hard court dahil sa pag-usbong ng mga manlalaro na pasok ang tangkad sa bawat posisyon sa basketball.

Inilahad ni Team Pilipinas coach Yeng Guiao ang kanyang plano para sa parating na 18th Fiba World Cup 2019, iniisip na gawing small forward ang 6-foot-7 na si Troy Rosario at manatili si 6-foot-5 Gabe Norwood sa kanyang posisyon bilang guard.

“Yes, we need some changes in terms of approach,” ani Guiao sa report ng Spin.ph. “We need to go big in the World Cup and, to do that, we need to make some changes.”

“We have to convert someone like, say, a Troy Rosario, who is used to playing four his whole career, into a full-time winger. And we may need to ask Gabe to go back to being the point guard,” aniya pa.

Pero nilinaw ni Guiao na hindi pa rin niya bibitawan ang identity ng Team Pilipinas sa fast-paced small ball system lalo pa’t hitik pa rin ang bansa sa mga mahuhusay na guard tulad nina Paul Lee, Jayson Castro at RR Pogoy.

Eksperimento ang gagawin ni Guiao, na haharap sa mga mahahabang galamay ng mga international player na posibleng magmula sa America, European teams o muling pagharap sa Australia.

“But against those teams, we need to have that option to field a big lineup. And we need to prepare for that option. Hindi puwedeng bigla mo na lang gawin kapag andun na tayo,” panapos niya.