Wasak ang kaliwang rear light at tanggal ang bumper ng isang kulay pulang kotseng minamaneho ng isang Grab driver nang mag-overtake umano ito sa convoy ng 11 tangke ng Philippine Marines sa south bound lane ng EDSA paglagpas ng Light Rail Transit (LRT) Muñoz station, nitong Biyernes nang gabi.

Sa inisyal na ulat sa Quezon City Police District-Traffic Sector 6, pasado alas-siyete ng gabi nang magkabanggaaan ang kotse at ang pangatlong tangke sa convoy ng Marines na pabalik ng Fort Bonifacio galing sa Capas, Tarlac.

Batay sa pahayag ni Joel Gabay, driver ng naaksidenteng tangke, nagulat na lamang siya nang biglang sumingit ang nasabing kotse sa kanyang harapan mula sa kanan.

Pero mariin namang pinabulaanan ito ng Grab driver na tumangging magbigay ng pagkaka­kilanlan, at sinabing umiwas lamang siya sa convoy na kasabay niyang bumibiyahe sa EDSA pero nasagi umano siya ng isang tangke at nakaladkad.
Dahil mahigit­ ­u­­­m­a­­­nong isang oras bago dumating ang mga traffic investigator, nagkabuhol-buhol ang trapiko sa lugar bukod pa sa mga nagkalat na bubog sa kalsada na iniiwasan ng mga motorista.

Masusi pang iniimbes­tigahan ng QCPD Traffic Sector ang nasabing insidente. Hindi naman binanggit ng imbestigador kung may pasahero o wala ang Grab driver nang mangyari ang insidente. (Dolly Cabreza)