Bago naging mayor ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte, naging city prosecutor siya sa lungsod na ang ibig sabihin ay siya ang pangunahing umuusig sa mga kriminal na nahuhuli ng pulis at militar.
Partikular sa kaso ng mga hinihinalang miyembro ng Communist Party of the Philippines at mga rebolusyonaryong organisasyon na nasa ilalim ng National Democratic Front, karaniwang illegal possession of firearms ang kasong isinasampa ng Armed Forces laban sa mga ito.
Kay Duterte na rin nanggaling na duda siya na planted o tanim lang ang mga nakukuhang armas sa mga nahuhuling rebeldeng komunista lalo pa’t kung ang mga baril ay paltik o gawa lang sa Danao City sa Cebu.
Sa maraming pagkakataon, nirerekomenda ni Fiscal Duterte ang pagbasura sa kasong illegal possession of firearms in furtherance of rebellion dahil hindi titindig sa hukuman ang naturang kaso.
Dahil dito, napamahal si Fiscal Duterte sa mga kaliwa at rebolusyonaryo sa Davao kabilang na si Fr. Jun Evasco na naging city administrator niya nang naging mayor siya ng Davao City at cabinet secretary nang maging pangulo si Duterte noong 2016.
Sumagi sa isipan ko ang naturang kuwento ni Duterte dahil na rin sa pahayag ng asawa ng naaarestong NDF consultant na si Vicente Ladlad na ang mga nakuhang baril at granada sa bahay na kanyang tinutuluyan ay pawang mga ‘planted’ ng mga pulis na humuli sa kanya.
Huwebes nang madaling-araw nang mahuli si Ladlad sa isang bahay sa Barangay San Bartolome sa Novaliches kasama ang mag-asawang Alberto at Virginia Villamor na rumerenta sa naturang bahay.
Agad na hinalughog ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang naturang bahay sa bisa ng search warrant at tumambad umano ang iba’t-ibang uri ng matataas na kalibre ng baril, mga bala at apat na granada.
Sa pagkakaaalam ko ay halos 70-anyos na rin si Ladlad na bukod sa may hika ay mahina na rin ang pandinig na resulta ng matinding tortyur na inabot niya nang unang mahuli noong panahon ng Batas Militar.
Sinasabing kalihim ng National United Front Commission ng CPP si Ladlad na nangangahulugang hindi siya kabilang sa mga armado gaya ng New Peoples Army.
Kaya nga nakakaduda kung papaano niya maitatago ang matataas na kalibre ng baril gaya ng M-16 at AK-47 at mga bala at granada gayung batid ng mga kagaya ni Ladlad na hindi nila kailangan ang armas sa linya ng kanyang gawain sa united front building.
Dahil dito, hinamon ng asawa ni Ladlad na si Fides si PNP Director General Oscar Albayalde na ipa-finger print lahat ng nakuhang baril, bala at granada dahil sigurado siyang “wala silang makikitang ni isang tuldok ng fingerprint nila Vic, kasi lahat yun planted.”
Kaso sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa kay Ladlad at ito ay non-bailable gaya ng kaso ng ‘illegal possession of firearms in furtherance of rebellion’ sa ilalim ng Rehimeng Marcos.
Ayon kay Albayalde, sa korte na lang daw patunayan kung planted nga ang mga nakuhang baril, bala, at granada kay Ladlad. Samantala, nakakulong ang NDF consultant habang dinidinig ang kaso. Yun nga lang ang masaklap.