Isang dating barangay tanod sa Valenzuela City ang napatay makaraang puwersahang pasukin at pagbabarilin sa Marilao, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Charlie Enriquez, 56, na agad na namatay bunga ng tinamong bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos ratratin ng mga ‘di kilalang lalaki sakay ng dalawang motorsiklo.
Pasado alas-nuwebe ng gabi ng likidahin ang biktimang si Enriquez sa bahay ng kanyang kapatid sa Heritage Homes Brgy. Loma de Gato, Marilao sa harap ng kanyang natulalang kapatid na babae dahil sa bilis ng pangyayari.
Napag-alamang mula ng mapasama sa drug watchlist sa Valenzuela City ang biktimang si Enriquez ay pansamantala itong nagtago sa bahay ng kanyang kapatid sa bayan ng Marilao.