Tanod niratrat ng ex-o

Dahil sa mainit na pagtatalo na resulta ng kalasingan, binaril ng isang ex-o ang isa sa kanyang mga tauhan sa Lipa City, Batangas Linggo ng hapon.

Ginagamot pa sa ospital ang biktimang si Manolito Adaya, 41, tanod, matapos magtamo ng mga bala ng kalibre .45 baril sa tiyan.

Kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang suspek na si Gerry Marasigan, 42, ex-o ng mga tanod ng Barangay San Celestino.

Sa report ng Lipa City police, nagkaroon muna ng pagtatalo ang dalawa habang nag-iinuman sa kanilang barangay alas-sais ng hapon.

Matapos maawat ng mga kasama, umuwi na ang biktima subalit habang nakaupo na ito sa terrace ng bahay ng kapatid ay dumating muli ang suspek na sakay ng motorsiklo at armado ng baril.

Nakatakbo pa ang biktima subalit hinabol ito ng suspek at muling pinagbabaril.

Nakakulong na ang suspek sa Lipa City police station at sasampahan ng kasong frustrated murder. (Ronilo Dagos)