Tao at enerhiya

Break a leg by Benjie Alejandro

Sa lumalaking popu­lasyon ng Pilipinas, hindi lamang pagkain at inumin ang tinututukan ng mga namumuno ng bayan, lokal man o nasyonal.

Ang usapin ng enerhiya ay isa ring napakahalagang pangangaila­ngan ng mga tao. Sa modernong panahon ngayon, maliban sa pagkain at tubig, apektado ang buhay ni Juan dela Cruz kung walang kur­yente.

Kahit hindi pa man ganap na ‘digitally capable’ ang buong bansa, maraming ‘Filipino household’ lalo na sa mga lungsod ang nakadepende sa ‘internet’.

Ang ‘internet service’ sa mga bahay at establisimyento ay mae-enjoy nang husto o mapapakinabangan nang lubusan kung may sapat at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente.

***

Aminin man natin o hindi, ang Pilipinas ay isa pa rin sa mga bansa sa daigdig na hindi kayang tugunan ang buong panga­ngailangan ng mga tao sa kuryente.

Marami pa ring lugar sa bansa ay mayroong ‘regular scheduled power interruption’.

‘Pag nagkaroon pa ng mga ‘trip off’ resulta ng kalamidad o aksidente, ang suplay ng kuryente ay apektado talaga.
Dahil hindi kaya ng gobyerno na magpatayo ng mga planta ng kuryente ang pribadong sektor ay hinimok na mamuhunan sa sektor ng enerhiya.

Hindi naging madali ang pagpapatayo ng mga planta ng kur­yente, dahil likas na yata ang pingkaan o banggaan sa pagitan ng mga organisasyong pangkalikasan sa isang komunidad na apek­tado ng proyekto at ng mga mamumuhunan.

Kaya naman napakahalaga ng dayalogo at konsultasyon sa pagitan ng mga tinatawag na ‘stakeholder’, mga apektadong komunidad, mamumuhunan at gobyerno.

Isang halimbawa rito ay ang proyekto ng Atimonan One Energy (A1E) sa Lalawigan ng Quezon. Hindi pa man nakapagsisimula sa operasyon, ang batikos laban sa A1E ay naglutangan, tulad ng masamang epekto sa kalusugan ng mga tao. 

Ayon sa A1E, walang katotohanan ang mga alegasyon na nakasi­singhot ng masamang usok ang mga residente. Una sa lahat, ayon sa kompanya, wala pang itinatayong planta paano makasi­singhot mga residente ng masamang usok.

Maliwanag na paninira lamang ito sa proyekto.

Ayon sa A1E, hindi sila panghihinaan ng loob dahil lamang sa mga paninirang puri. Tuloy ang proyekto para magkaroon ang Atimonan ng kauna-unahang moderno at makabagong ‘ultra supercritical power plant’ hindi lamang sa Lalawigan ng Quezon kundi sa buong bansa.

***

Natural lamang na igiit ng mga taga-Atimonan, lalo na ng mga komunidad na direktang apektado ng proyekto na masiguro ang kanilang kalusugan at hindi malagay sa peligro ang kanilang bayan.

Paliwanag ng A1E, mataas na prayoridad ang kanilang ibinibigay sa usaping pangkalusugan at pangkalikasan. Para maprotektahan ang kalikasan, ang plantang planong itayo ay gagamit ng pinakamodernong teknolohiya na tinatawag na
‘high efficiency, low emission’ (HELE), bukod pa sa pagtalima sa mga itinatakda ng batas-pangkapaligiran.

Sa usapin naman ng konsultasyon, sinabi ng A1E na nagsagawa sila pakikipag-ugnayan sa mga tao na direktrang apektado ng proyekto. Ang lahat ng sektor o stakeholder ay naabisuhan.