Ang budget ng Comelec para sa eleksyon 2016 ay umabot sa 9.1B. Eto yung mga panahon na bago at kabibili pa lamang ng mga VCM o vote counting machines.
Maliban sa ilang mga aberya, ang halalan noon ay naging matiwasay at maayos.
Ang Comelec ay merong budget na mahigit sa sampung bilyon para sa eleksyon 2019. Kung tutuusin, mas mura dapat ang eleksyon ngayon dahil wala kang VCM na bibilhin. Pero mas maraming palpak ngayon kumpara noong 2016. Ilang mga punto kung bakit palpak at mas magastos.
Una: binili nila ang mga VCM na ginamit nila noong 2016. Matagal na natin pinapayo sa Comelec na huwag bilhin ang mga VCM dahil sa halip na makatipid, ay mas mapapamahal ka pa dahil poproblemahin mo ang storage at up keep ng mga makina. Besides, ang teknolohiya ay nagbabago taon-taon at mas maraming modernong makina na lumalabas. Mas magiging maayos at matipid kung kada eleksyon, rerenta na lang tayo ng makina. Moderno at mas mabilis ang magagamit pa natin kada eleksyon.
Ikalawa: dahil hindi sila bumili ng makina, naghanap sila ng pagkakagastusan ng pera ng bayan. Diyan pumasok ang proyekto ng VRVS o yung voter registration and verification system. Ito yung mga IPAD na binili na ang layon ay padaliin ang proseso ng pagboto dahil thumb mark lang sistema, makikita kung legitimate voter ka. Nilagay nila yan sa mga piling pilot areas dahil sinusubukan pa lang daw. Ang pagsubok na yan ay ginastusan ni Juan dela Cruz ng P1.2B. Ang siste, hindi naman napadali kundi napatagal pa ng VRVS ang botohan sa mga lugar na ito ay sinubukan. Hindi kasi tested system. P1.2B na pera ni Juan na nasayang.
Pangatlo: yung VIIS. Voter information and identification system.
Importante po ito. Ginawa po ito ng previous elections mula ng 2010. Ito ay proyekto na nagbibigay gabay sa botante ng kanyang voting precinct para `di na siya maghahanap at pinapakita sa kanya ang sample ng gagawin niyang pagboto. Kung 61M ang registered voters, 61M printouts din dapat ito. Ang siste, karamihan dito ay hindi naipamahagi dahil reportedly, pina-subcontract ito ng National Printing Office sa isang pribadong kompanya at dinala sa central office. Ang dapat sanang ginawa ay pina-print sa mga lokal na lebel para madaling naipamahagi. Bilyon din ang ginastos diyan pero hindi napakinabangan.
Totoo ang kasabihan na madaling gastusin ang hindi mo pera. Ang kawalang pakundangan na paglustay sa pera ni Juan ay nagpapatuloy.
Yung problema sa mga transparency server at SD cards ay masyadong teknikal para talakayin ng mga layman katulad natin. Abangan natin ang magiging talakayan sa imbestigasyon ng joint Congress para maliwanagan tayo sa isyu.
Ang eleksyon ay ang pormal na proseso ng pagdedesisyon ng mamamayan para piliin ang kanilang mga pinuno. Pinapaubaya ng mamamayan ang kanilang kinabukasan sa mga pinunong kanilang hinahalal. Lahat ng mga bagay na magbibigay ng duda sa resulta ng halalan ay hanggat maaari ay iniiwasan.
Pang-apat na automated election na ito. Dapat ang sistema ay nasa halos perpektong estado na. Pero lumalabas na palala ito ng palala. Mukhang hindi sistema ang problema. Mukhang tao yata.