Tao lang din si Gen. Dela Rosa

Huwag n’yo nang i-bash si Philippine National Police (PNP) Director Ge­neral Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pag-eksena sa likod ni Manny Pacquiao habang iniinterbyu sya matapos manalo kay Jessie Vargas.

Tulad ng iba, tao lang din naman si Dela Rosa at fan ng boxing na nagbubunyi sa tagumpay ng kanyang kababayang si Pacquiao kaya kung nakita niyong nakipagsiksikan si Bato para makapasok sa frame ng international television na nag-iinterbyu kay Pacman eh pagbigyan niyo na siya.

Panandaliang saya lang naman ‘yan dahil tiyak na sakit ng ulo ang kakaharapin niya sa pag-uwi sa ‘Pinas dahil mukhang sabit ang kanyang mga tauhan sa pagkamatay ng tatay ng drug lord sa Eastern Visayas region na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Parang ngayon lang kasi nangyari na may magse-serve na mga pulis ng arrest warrant sa isang nakakulong na preso at madaling-araw pa. Hindi man lang hinintay na sumikat ang araw.

Sa ngayon, walang naniniwala na lumaban si Espinosa kaya ginantihan siya ng putok ng mga pulis na kanyang ikinamatay. Kung baga sa pelikula, hindi mabenta as in flop o nilangaw sa takilya.

Hindi sa kinakampihan natin si Espinosa, Nararapat lang naman talaga na siya ay parusahan dahil sa mga droga at mga baril na nakuha sa kanyang bahay pero ‘yung klase ng pagpatay sa kanya eh mukhang maraming tanong na dapat masagot ng PNP.

***

Anibersaryo ngayon,­ Nob­yembre 8, nang pana­nalasa ng super typhoon Yolanda, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa ­Pilipinas at sa mundo mismo.

Buong mundo ang tumutok sa bagyong Yolanda kaya ilang araw bago pa man dumating ang bagyo ay naka-deploy na sa Tacloban City ang mga international news agencies tulad ng CNN.

Indikasyon ang pagdayo mismo ng mga kilalang CNN correspondent sa Tac­loban na sadyang ma­lakas ang bagyong Yolanda o Hainan, kaya nagkaroon sila ng live coverage.

Noong panahon ng kampanya noong Marso 2016, isa ang Tacloban ang pinuntahan namin at tala­gang hindi pa sila ganap na nakakabangon sa hagupit ng bagyo. Bakas pa sa lungsod ang lupit ng bagyo.

Ang malungkot, tatlong taon na ang nakaka­lipas, ‘yung mga pangakong permanent housing eh hindi pa naipapatayo lahat. Lumalabas, 10 por­syento pa lamang sa mga permanent housing para mailayo sa dalampasigan ang mga residente, ang naipapatayo ng gobyerno.

Sabi ni Vice Presiden Leni Robredo, intact pa naman ang pondo para sa permanent housing pero dahil sa burukrasya sa gobyerno eh nagkaroon ng choke points kaya hindi naipatayo agad ang mga bahay.

Kabilang sa mga choke point na tinukoy ay ang sangkaterbang dokumento na hinihingi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa paglilipat ng titulo ng mga lupa na pagtatayuan ng mga permanent housing.

***

(dpa_btaguinod@yahoo.com)