MAS maraming Pilipino ang tumutok sa FPJ’s Ang Probinsyano noong Lunes (August 14) matapos magpakita ng tibay ng loob at katapangan ang mga kasamahan ni Cardo (Coco Martin) sa Special Action Force (SAF) upang maprotektahan ang misyon niyang sugpuin ang grupong Pulang Araw.
Nagkamit ang serye ng national TV rating na 39.8%%, kumpara sa bagong katapat nitong Alyas Robin Hood Book 2 na nakakuha lamang ng 18.9%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Matindi ang pagpapahirap kina Gerardo (Ejay Falcon), Katrina (Louise de los Reyes) at Bernardo (Ron Morales) sa kamay ng grupo ni Alakdan (Jhong Hilario) upang mapaamin sa tunay na pagkatao ni Cardo, na ngayon ay nagpapanggap bilang kakampi ng Pulang Araw.
Nanindigan ang mga sundalong hindi nila kilala si Cardo, dahilan para lalo silang pahirapan at humantong sa pagkamatay ni Bernardo.
Samantala, tuloy-tuloy ang tapatan nina Cardo at Leo (Mark Lapid) dahil sa kanilang paghihinala sa tunay na intensyon ng una sa pagsama sa kanilang grupo.
Mas magiging magulo ang sitwasyon dahil malalaman na rin ng kapulisan na parte na siya ng rebeldeng grupo na gugulat sa kanilang lahat.
Paano masusugpo ni Cardo ang Pulang Araw? Anong kapalaran ang naghihintay kina Gerardo at Katrina?
Ano ang magiging reaksyon ng pamilya ni Cardo kapag nalaman nilang parte na siya ng rebeldeng grupo?