Hindi nasaksihan ng volleyball fans ang ina­abangang banggaan ng magkapatid na Santiago sa paghaharap ng kanilang tropa sa V. League Premier sa Japan.

Bangko si Aleona Denise ‘Dindin’ Santiago-Manabat para sa kanyang koponan na Toray Arrows habang si Alyja Daphne ‘Jaja’ Santiago naman ay pumalo ng anim na puntos para sa Ageo Medics.

Bagama’t malaki ang naging ambag ni Santiago sa AM hindi pa rin ito sapat para manalo kontra TA, 25-19, 25-18, 25-23, nitong Sabado.

Angat ngayon ang Toray Arrows sa ikapitong puwesto bitbit ang 5-4 na kartada habang sadsad sa ikawalong puwesto ang Ageo Me­dics hawak ang 4-6 na baraha.

Consistent ang naka­babatang Santiago sa mga laro sa Ageo Medics habang madalang naman makita si Dindin sa Toray Arrows.

Umaasa pa rin ang volleyball fans na magkakaharap na ang magka­patid sa nasabing liga sa oras na muling magharap ang kanilang koponan sa Pebrero 9.