Nitong nakaraang Miyerkoles ay sinimulan na nating tapusin ang matagal na panahong paghahari ng tinaguriang ‘Recto University’ sa Avenida. Bata pa lang ako ay nariyan na ang ‘Recto University’ na ‘yan na nagsisilbing batik sa Lungsod ng Maynila.
Kung bakit ito nakilala sa ganung tawag ay dahil sa operasyon doon ng ‘di mabilang na dami ng ‘diploma mills’ o pagawaan ng lahat ng klase ng mga pekeng diploma. Sa pagdaan ng maraming taon, lumawak ang negosyo ng mga loko hanggang sa pati mga lisensiya, ID, clearance at kung ano-ano pang dokumento ay pinepeke na rin nila.
Sa aking pag-upo bilang alkalde, masuwerteng nakatimbog ang ating mga tauhan ng pekeng ID ng senior citizen at persons with disability o PWDs. Mantakin n’yo, ang susunod na nadiskubre ay pati pala mga resibo ng gobyerno ay pinepeke na rin?
Sobrang ganid na ng mga taong ito na kumita lang, pati ba naman ang mga benepisyong para sa mga senior citizen at PWD ay mapipingutan dahil sa mga pekeng ID? ‘Yung pekeng resibo naman ng gobyerno, ang layunin nito ay dayain ang pamahalaang lungsod at samakatwid, ang resulta nito ay kabawasan sa pondo na dapat sana ay magagamit upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga taga-Lungsod ng Maynila.
Ayoko namang magpakulong nang magpakulong o ‘di kaya ay umabot pa sa marahas ang pagpapatigil sa mga mamemekeng ito kung kaya’t sa flag raising ceremony noong Lunes ay nagpalabas na ako ng babala sa mga operator sa Recto na tigilan na ang kanilang mga iligal na gawain dahil panahon na para tapusin ito.
Totoo ang sinabi ko na puno na ako sa kanila at seryoso ako at desidido sa plano na tapusin na ang kanilang maliligayang araw.
Kahit paano, ako ay natutuwa na sa operation kung saan inilunsad ko ang ‘Operation Baliko’ kasama ang grupo ni Maj. Jhun Ibay, hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART), wala na ang mga ‘manufacturer’ ng mga pekeng dokumento. Ayon sa ulat ni Maj. Ibay, nag-alsa balutan na pala ang mga ito matapos akong magpalabas ng matinding babala nu’ng Lunes.
Mula ngayon ay tuloy-tuloy na ang ‘Operation Baliko’ para habulin ang mga gumagawa ng lahat ng uri ng iligal na aktibidad sa lugar ng Recto, Avenida mula sa bungad hanggang kasuluk-sulukan nito.
Inatasan ko na sina Maj. Ibay na gawing walang humpay ang monitoring para matiyak na hindi na makababalik pa ang mga mamemeke ng mga dokumento ng gobyerno.
Pinabeberipika ko na rin ang 52 stall na naisyuhan noon pa ng pamahalaang lungsod ng permit bilang ‘printing companies’ lamang, upang matiyak na kung ano ang nakalagay sa permit ay ‘yun lang ang talagang ginagawa nila. Anim na makina rin ang ating nakumpiska upang alamin kung ang mga ito ay ginagamit sa pamemeke ng mga dokumento.
Gaya ng aking unang sinabi, nagsilbi nang batik ang pananatili sa Maynila ng tinaguriang ‘Recto University’ na ‘yan. Isa itong hayagang pambabastos sa pamahalaang lungsod at maging sa pulisya.
Kaya naman binigyan ko rin ng ultimatum ang mga opisyal ng barangay na nakasasakop doon. Nasa tungkil ng ilong nila ang kailigalan pero wala silang ginagawa.
Mahirap paniwalaan na hindi nila alam ang mga iligal na operasyon na ‘yan kaya sa susunod na magkaroon pa rin ng kahit isang namemeke ng dokumento doon ay isasama na nating ang mismong barangay chairman sa oras na kasuhan ang mamemeke.
Susmaryosep naman. Naturingang ‘capital city’ ng Pilipinas ang Maynila tapos narito rin ang sentro ng mga mamemeke ng mga public document pa naman?
Hindi ko kayang ipagkibit-balikat ang kalokohang ito. Sobra na at gaya ng nauna kong sinabi, talaga namang dapat na silang kalusin.
Kaya naman labis ang aking pasasalamat sa mga netizen na siyang nagsumbong ukol sa mga pekeng ID at resibo na isyu ng pamahalaang lungsod.
Nawa ay ‘wag kayong magsasawa sa pagtulong sa inyong lingkod.
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.