Tapusin na ang kalbaryo ng mga commuters ng MRT

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Napakasama talaga ng kondisyon ng ating Metro Rail Transit 3 (MRT-3).

Sa loob ng isang linggo ay hindi maiiwasang walang aberyang nangyayari bukod pa iyan si­yempre sa araw-araw na kalbaryo sa pagpila ng mga mananakay.

Kaya ang kaawa-awa nating mga kababayang ginagamit ang MRT sa kanilang pang-araw-araw na transportasyon ay labis na naapektuhan.

Mabuti na lang at hindi ganu’n katitindi ang ­aberyang nangyayari kaya hindi ito nagdudulot ng ka­pahamakan sa napakara­ming commuters ng MRT na pikit-matang sumasakay dahil sa pagnanais na makarating sa mas maiksing oras sa kani-kanilang mga destinasyon at makawala naman sa teribleng trapiko sa Metro Manila.

Kaya sana ay totoo na ang pangako ng pamunuan ng MRT na hanggang Dis­yembre na lamang ng taong ito ang pagdurusa ng mga commuters dahil bago matapos ang 2017 ay magiging parte na lang daw ng kasaysayan ang pangit na karanasan ng publiko sa e-train system na ito.

Tiniyak ni Engineer Deo Manalo, director for operations of MRT-3 sa isang imbestigasyon ng Senate committee on public services na bago matapos ang taon ay mawawala na ang mahabang pila sa MRT at magkakaroon na ng maayos na operasyon ang isa sa kunsumisyong railway system ng bansa.

Mababawasan ayon sa MRT ang pila dahil inaasa­hang magagamit na ang nabiling tren sa China.

Sa kasalukuyan ay mayroong 23 tren na tumatakbo na nakakapagsakay ng higit kumulang sa 500,000 bawat araw subalit dahil sa mga nabiling karagdagang Light Rail Vehicles (LRVs) o mga bagon, aakyat ang kapasidad sa 700,000 pa­sahero bawat araw.

Well, hangad natin ang pagtupad sa pangako ng pamunuan ng MRT-3 dahil nagbabayad naman ng tama ang publiko kaya sana ay maayos at matinong serbisyo naman ang ibigay sa mga ito.