Mapa–umagahan man, tanghalian, meryenda o hapunan o kahit pampulutan ay hindi ka mauubusan ng makakainan sa Lungsod ng Malabon.
Isang nakaka-enjoy at nakakabusog na adventure ang aking naranasan sa aking paglilibot sa lungsod umpisa umaga hanggang gabi kung saan ay literal na napuno ng laman ng pagkain ang tiyan ko, at kahit busog na ay hindi ko naiwasan na kumaing muli dahil sa katakamtakam na amoy, itsura at higit sa lahat ay lasa ng mga madadaanang kakainan.
Malasang lugaw ng Boga’s
Gaganda talaga ang umpisa ng araw mo kapag kumpleto syempre ang umagahan mo. Hindi lang ako nabusog, nag-enjoy din ako ng todo sa inalmusal kong lugaw ng Boga’s Lugawan na matatagpuan sa Leono Street, Barangay Tanong, sa napaka-malasa na lugaw nito.
Mga laman ng baboy o utak na nakahalo at samahan mo pa ng itlog na nilaga ay gaganahan ka talagang umpisahan ang araw mo, at sa halagang P30 ay nakapag-umagahan ka na.
Pagkatapos kong kumain ng lugaw ay hindi naiwasang umorder muli ng isang plato naman ng Pancit Luglog nila o mas kilala ng iba sa tawag na Pancit Malabon.
Eh sino ba naman ang hindi tatakamin kapag nakita mo na ang malapot na sauce, chicharon, tinapa at iba pang sangkap ng pancit na ito. Hindi pa ako nakuntento at bumili na rin ako ng puto pao nila, kaya ayun! Busog (burp!).
Tanghalian sa Pampano
Pagsapit naman ng tanghalian ay napadpad ako sa Pampano Street, Barangay Longos ng nasabi pa ring lungsod kung saan ang Yzel’s Tapsilogan naman ang kinainan ko at syempre ang kinain ko ay ang paborito kong mixsilog, matamis na tocino at napaka sarap na tapa na sa dami ay halos umapaw na sa plato ko, scrambled egg at sinangag na isang mangkok ang dami ay nawala ang pagod ko, at sa halagang P60 ay nabusog nanaman ako ng husto.

At syempre kailangan ng dessert, sa Governor Pascual Avenue, Barangay Baritan naman ako nagpunta kung saan naroroon ang iScoop Ice Cream, ang napaka-sarap at nakakakilig naman na mapapangiti ka talagang lasa ng Crazy All Nuts na ice cream flavor nila ang nagkumpleto sa tanghalian ko.
Sa crunchy na almonds, peanuts at cashew nuts na nasa chocolate ice cream ay maging broken hearted man ay mapapasaya nito, bukod doon ay hindi rin matatawaran ang sarap ng kanilang Cookies and Cream Tower, Banana Split at Mango Cashew Delight.
Sa saktong tamis at pinagsama-samang kumbinasyon ng bawat flavor na ito ay kahit na mainit ang ulo mo ay mapapalamig nito dahil sa napaka murang halagang P110 ay makakabili ka na.
All-time favorite na Sapin-sapin
At sino ba namang hindi nakakakilala sa Dolor’s Kakanin? Matatagpuan ito sa Governor Pascual Avenue, Barangay Baritan.

All time favorite ko sa kanila ang kanilang sapin-sapin na sa halagang P350 ay may isang malaking bilao ka na, nasa P120 naman ang pinaka maliit na bilao.
Syempre hindi ko din makakalimutan ang napaka sarap na cassava cake at ang bibingkang malagkit na gawa rin nila.
Paborito rin ng mga taga-Malabon ang kanilang pancit luglog (Pancit Malabon), pulburon, puto at iba pa.
Hindi ko rin malilimutan ang katakam–takam na crispy pata ng Judy Ann Crispy Pata/Jamico Restaurant na matatagpuan sa General Luna Street, Barangay Ibaba, na sa tingin at amoy pa lang ay gugutumin kang muli, at kapag tinikman mo na, sa lutong ng balat, malasang karne, dami ng servings at sarap nito ay para kang kumakain sa isang kasalan o malalaking handaan.
Kalabasang Okoy sa kanto

Anyways, kung taga-Barangay Concepcion, Malabon ka ay siguradong nakatakim ka na rin ng Kalabasang Okoy sa kanto na nasa tabi lang mismo ng Barangay Hall sa palengke ng nasabing barangay.
Sa malasang timpla ng kalabasa na may toge at 16 piraso ng hipon na inilubog sa kumukulong mantika, malalaman mong nasa Malabon ka na nga. Sa presyong P25 ay pwede na itong ulamin ng dalawang katao, pero ako ay pinapak ko lang ito.
Sa katapat lamang nito halos na Lugawan ni Onoy ay hindi rin nakaligtas sa aking panlasa ang kanilang Chili Pork na pasok na pasok pang ulam at syempre pasok talagang pampulutan sa inuman. Sa halagang P95 ay makakabili ka na nito.
Barangay sa menu patok sa tropa at pamilya

Swak na swak naman kung magkayayaan kayong magbabarkada o buong pamilya man sa inihahaing pagkain ng La Mesa de Mikay.
Sa kanilang menu ay iba’t ibang putahe na ang inyong matitikman, ang epic pa dito ay mga pangalan ng barangay sa Lungsod ng Malabon ang ginawa nilang tawag sa bawat sets ng pagkaing pwedeng orderin.
Naroon sa Menu nila ang mga barangay ng Catmon, Muzon, Dampalit, Niugan at ang nagustuhan ko sa menu na Barangay Concepcion kung saan sa halagang P640 ay may kasama ng kanin, liempo, ensaladang talong, inasal na manok, itlog na maalat na may kasamang sibuyas at kamatis, inihaw na bangus, bagoong o atchara at may kasama naring drinks na Iced Tea, good for 6 persons ito, saan ka pa?!
Panalong pulutan sa Balsa sa Niugan
Kung inuman naman ang hanap niyo, panalong pampulutan ang Pork Sisig ng Balsa sa Niugan.
Matatagpuan ito sa Barangay Niugan ng nasabi pa ring lungsod. Sa malutong na pisngi at tenga ng baboy na ginawang sisig at nilagyan sa ibabaw ng itlog ay solve na solve na ang inuman niyo.
Pwedeng pwede ring gawing ulam sa kanin ito sa halagang P190 ay mabubusog na ang nasa dalawa hanggang tatlong katao.
Hindi rin nakaligtas sa akin ang bagong bukas pa lang na Yok Angelo’s Roasted Chicken na matatagpuan din sa General Luna Street, Barangay Concepcion na kapag nalasahan mo na ay mapapa-WOW ka sa kakaibang lasa nito na hinaluan pa ng secret ingredients ng pasimuno nitong si Leo Angelo Sacayan na isang seaman at chef sa barko.
Busog na busog na isang araw ang aking napakasarap na naranasan sa pagkain sa mga nasabi kong kainan kaya laking pasasalamat ko sa aking tour guide na si Pepper Domingo, na lahat ng masasarap na pagkain sa Malabon ay alam puntahan at gayundin sa mababait at hospitable na pagtanggap ng mga nadaanan kong sinilungan dahil sa napaka lakas na ulan.
So, Tara na! Kung gusto mong mabusog at kumain ng masusustansiyang pagkain na hindi basta–basta matitikman sa ibang lugar, kain na tayo sa ipinagmamalaking Lungsod ng Malabon na bukod sa mga masasarap na pagkain, magagandang tanawin ay magigiliw din at matulungin ang mga tao.
***
#itsallaboutUTONITE
email: itsallaboututonite@yahoo.com
itsallaboututonite@gmail.com
SHARE N’YO NA!
Mahilig ba kayong mag-travel for fun and adventure? Updated ba kayo sa mga gadgets o may mga hobbies? Gusto n’yong i-share? Para sa inyo ang #itsallaboutUTONITE.