#TaraCaviteTayo

julius-segovia

Nagsimula na ang Christmas break ng maraming estudyante. Kaya pihadong marami na naman silang oras sa galaan.

Kung naghahanap kayo ng mapapasyalan ngayong Pasko, bakit hindi subukan ang makasaysayang lalawigan ng Cavite?

Punong-puno ng mga programa ang probinsya na kinagigiliwan ng mga Caviteño at mga residente sa karatig lalawigan nito.

Unahin natin ang lungsod ng General Trias na nagdiriwang ng ikatlong anibersaryo nito bilang lungsod.

Tampok din sa siyudad ang taunang Valenciana Festival. Inaabangan ito ng marami dahil sa iba’t ibang programang inihanda gaya ng cooking show, street dancing at float parade.

Itinatag ang lungsod noong December 13, 1748 na unang nakilala sa tawag na San Francisco de Malabon na kalauna’y pinalitan ng Gen. Mariano Closas Trias, ang kauna-unahang bise presidente ng ating bansa.

Sa bayan naman ng Alfonso, ipinagdiriwang ang Sanghiyang Festival. Isa itong tradisyon ng pasasalamat dahil sa kanilang magandang ani. Binubusog ang mga bisita ng mga local delicacy gaya ng palutang, camachile, tablea, salabat, ka­peng barako at iba pa.

Tampok din sa festival ang Sayaw sa Apoy bilang pasasalamat sa mga biyaya ng Maykapal.

Isa pang ritwal sa Alfonso ang Basang Gilagid kung saan pinabebendisyunan ng mga residente ang kanilang bahay na ibinase naman sa Lumang Tipan ng Bibliya.

Tunay ngang mayaman sa kasaysayan ang lalawigan ng Cavite. Bukod sa malapit at madali itong puntahan lalo na ng mga taga-Maynila, marami ring programang inihahanda ang iba’t ibang ba­yan at lungsod sa probinsya.

Gaya ng tourism tagline ng probinsya, ha­yaan n’yong ayain ko rin kayo – #TaraCaviteTayo. (with reports from Kevin Patrick Sayaman/photos grabbed from cavite.info)