Mga laro ngayon (Smart-Araneta Coliseum)
12:00 noon — UE vs. NU
4:00 p.m. — Ateneo vs. DLSU

Nasa ilalim ng team standings ang University of the East pero susubukan pa nilang ipanalo ang lahat ng natitirang laro at baka sakaling makahirit sa Final Four ng Season LXXIX UAAP men’s basketball.

Hawak ng Red Warriors ang 2-9 karta at dahil tatlong laro na lang sila ay hanggang limang panalo na lang ang maaabot.

Katapat ng UE ang nagkukumahog na National University sa Smart-Araneta Coliseum.

Kasalo sa fifth ang Bulldogs (4-8) pero mas masama ang kanilang inilalaro kumpara sa UE.
Yumuko ang NU sa UP, 66-71, sa huling laro, ang pang-anim nilang sunod na semplang.

Kahit suntok sa buwan na ang pag-asa ng UE ay palaban pa rin.

“We’ll still fight, we’ll still go for the win,” diin ni Warriors coach Derrick Pumaren.

Nakatambay sa No. 4 ang Adamson (5-5), isang panalo lang ng Falcons ay malulusaw ang pangarap ng Red Warriors.

Samantala, itutuloy ng title favorite De La Salle University dominasyon sa liga, tatargetin sa ikalawang laro ang karibal na Ateneo para maikahon ang 13th win.

Twice-to-beat na ang DLSU sa Final Four, maaaring dumiretso sa Finals kung maipapanalo lahat ng dalawang natitirang laro.

Kapit ng Blue Eagles ang 6-4 baraha at nakadapo sa third spot, sa likod ng No. 2 defending champion FEU (8-2).

Twice-to-beat ang top two teams pagkatapos ng 14-game eliminations.