Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hepe ng Land Transportation Office (LTO) sa Tarlac makaraang salakayin ang bahay nito at mahulihan ng shabu, mga bala ng baril at granada nitong Miyerkoles.
Batay sa report ng PDEA, matagal nang under surveillance ang suspek na si Rodel Yambao, 59-anyos, na officer-in-charge ng LTO sa lalawigan ng Tarlac.
Kabilang umano ito sa listahan ng mga high value target ng Philippine National Police.
Isinagawa ng PDEA ang pag-aresto sa pakikipagkoordinasyon sa Tarlac Police.
Ayon naman sa Tarlac Police, ligal at dokumentado na inisyu ng korte ang isinagawa nilang search and seizure kasama ang mga ahente ng PDEA sa tahanan ni Yambao na naninirahan sa Brgy. San Roque, Tarlac City.
Naroroon din umano sa tahanan ni Yambao ang asawa nito nang kanilang isagawa ang search and seizure, gayundin ang dalawang opisyal ng Brgy. San Jose at may mga kasama rin sila mula sa media at Department of Justice.
Kasalukuyan nang nakakulong sa detention cell ng Tarlac Police si Yambao at nahaharap sa iba’t ibang kaso kaugnay ng mga nasamsam na siyam na sachet ng shabu, mga bala ng baril at granada sa loob ng kanyang pamamahay. (Dolly Cabreza)