Binuo ng Department of Information and Communication Techno­logy (DICT) ang isang task force laban sa diumano’y nakamamatay na online challenge tulad ng Momo Challenge.

Sa ipinatawag na emergency meeting ni DICT Acting Secretary Eliseo Jr., dumalo ang mga kinatawan ng National Telecommunications Commission (NTC), Philippine Information Agency (PIA), Department of Justice (DOJ), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine National Police (PNP) at Globe Telecommunication.

Isa sa ipatutupad ay ang text blast para magbigay ng impormasyon hinggil sa masamang maidudulot ng mga online challenge; magpapalabas rin ng mga video sa sinehan, at makikipag-ugnayan rin sa mga social media site.

Pinayuhan din ng mga awtoridad ang mga magulang na bantayan ang mga gadget ng kanilang anak at mag-monitor sa aktibidad ng mga ito sa internet.

Maaari ring i-report sa pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nakikitang delikadong challenge online lalo na kung may napupuna nang kakaibang kilos sa mga bata.

Pinakamabisa umanong paraan ay ang bigyan ng mga magulang ng ­quality time at bonding ang kanilang mga anak para masubaybayan ang mga ito.