Bumuo kahapon ng Task Force Marasigan ang Eastern Police District (EPD) para tumutok sa imbestigasyon sa ­ginawang pananambang sa dating editor ng Business World at kapatid nitong negosyante sa San Juan City noong Huwebes ng gabi.

Ayon kay EPD Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, ang pagbuo niya ng task force ay upang mabigyan ng mabilis na hustisya ang pamamaslang sa magkapatid na Michael ‘Mike’ Marasigan, 60, dating editor ng Business World at Christopher Marasigan, 50, kapwa residente ng San Juan City.

Napag-alaman na inatasan ni Sapitula si Supt. Florendo Quibuyen, De­puty District Director for Operations na mamuno sa Task Force Marasigan.

Sa panibagong development ng kaso, dinagdag pa ni Sapitula na dalawang anggulo ang tinututukang motibo sa ginawang pagpaslang sa magkapatid.

Una ay may kinalaman sa trabaho, ang matandang Marasigan ay isang PR consultant sa Department of Finance (DOF) matapos na magretiro sa Business World, at ang pangalawa ay may kinalaman sa personal na alitan.

Matatandaang ang pagpatay sa magkapatid ay naganap dakong alas-6:10 ng gabi sa V. Cruz St., kanto ng Barcelona St., sa San Juan City.

Sakay ang magkapatid ng isang kulay gray na Mazda na may plakang WOU-583 at binabagtas ang V. Cruz St., malapit sa Barcelona nang sumulpot sa kanilang tagiliran ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pagbabarilin ang mga ito.

Ayon sa testigong si Troy Chavez, nakita niyang nag-aabang sa P. Parada St., ang dalawang suspek at nang dumaan sa kanilang harapan ang sasakyan ng mga biktima ay sinundan nila ito at pinagbabaril ng back rider ang magkapatid.