Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order No. 1 o pagbuo ng Presidential Task Force na tututok sa mga pang-aabuso, pagbabanta at pagpatay sa mga miyembro ng media.
Ang Administrative Order (AO) No. 1 o “Creating the Presidential Task Force on violations of the right to life, liberty and security of the members of the media” ay nilagdaan nitong Oktubre 11 ni Pangulong Duterte.
Katuwang ng Presidential Task Force sa pagpapatupad ng AO ay ang Department of Justice (DOJ) Secretary na tatayong Chairperson habang ang kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang magiging co-chairperson.
Magiging miyembro naman ang mga kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG); Department of National Defense (DND); gayundin ang Solicitor General; Executive Director ng Presidential Human Rights Committee (PHRC); Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff; Philippine National Police (PNP) Director General at National Bureau of Investigation (NBI) Director.
Dahil may kinalaman sa media ang task force ay iimbitahan ang bilang resource persons at observers ang pangulo ng National Press Club (NPC); presidente ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), pangulo ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), pangulo ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) at ang chairperson-president ng Philippine Press Institute (PPI).
Magko-convene ang mga bumubuo ng task force pagkatapos ng China visit ni Pangulong Duterte kasama ang ilang miyembro ng gabinete.
Ilan sa mga tututukan ng task force ay ang Maguindanao massacre at iba pang mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa mga mamamahayag.
Kaabang-abang ang binuong task force dahil pangunahin ito sa AO na inilabas ng Pangulo isang malinaw na pruweba na hindi kaaway ng pamahalaan ang media kundi sumusuporta ito sa tinaguriang fourth estate dahil ang pangunahin nitong papel ay maging watchdog ng tatlong pillars ng ating gobyerno.
Kaya naman bilang bahagi ng task force ay ang PNP ang magkakaloob ng seguridad sa mga miyembro ng media na makakaranas ng iba’t ibang klase ng pag-aabuso katuwang ang iba pang bumubuong task force.
Saludo tayo sa effort na ito ng gobyernong Duterte na bigyang proteksyon ang mga miyembro ng media na ang pangunahing papel naman talaga sa lipunang ito ay maglahad ng katotohanan partikular ang mga kabulukan sa gobyerno at sa mga pribadong sektor pero ang masaklap ay pinapatatahimik.
Hangad natin ang tagumpay ng Presidential Task Force dahil tiyak akong maraming media ang nangangailangan ng inyong atensyon at proteksyon.