Pinagdedebatehan pa rin ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi masamang tumanggap ng regalo­ ang mga taong gobyerno kung ito ay kusang ibinigay at hindi naman hiningi.

Sari-saring opinyon mula sa ­gobyerno at pribadong ­sektor ang napakinggan kung dapat nga bang tumanggap ng regalo­ ang mga nasa gobyerno, lalo na at mayroong batas na nagbabawal tumanggap ng regalo o kahit ano pa man alinsunod sa nakasaad sa Republic Act 3019 at Repubic Act 6713, maliban sa mga ­bagay na maitutu­ring na “insignificant in value”.

Hindi kasi maiwasang isipin ­minsan na kapag may nagregalo ay ­iisiping mayroon itong kasunod­ na pabor o may kapalit sa ano mang transaksiyon sa gobyerno.

Hindi naman kaila na maraming nangyayaring ganito sa mga tanggapan ng gobyerno kahit pa may umiiral na batas na bawal tumanggap ng regalo o ano pa man.

Minsan nga, ang mga nasa gobyerno pa ang nagpapahiwatig o nagpapari­nig at kapag tinablan ang kausap ay makukuha ang gusto.

Pero dapat ding isipin ang delicadeza kahit pa ipilit ito sa isang kawani o opisyal ng gobyerno dahil sa mga maliliit na regalo nagsisimula ang malaki at kalaunan ay maaari na itong ituring na isang uri ng katiwalian­.

Bagamat abugado ang Presidente at kabisado nito ang batas, hindi sa lahat nang pagkakataon ay sasabihing hindi masamang tumanggap ng regalo.
Katunayan, pagsapit­ ng buwan ng Setyembre ay naglalabas na ng paalala o memo ang Civil Service Commission (CSC) na bawal tumanggap ng regalo o pabor lalo na sa panahon ng Holiday Season.

Hindi naman maiwasan ang ganitong aksiyon sa panahon ng kapaskuhan dahil­ marami talaga ang nagbibigay at nagpapadala ng mga regalo sa opisina ng mga opisyal pero dapat alam na ng mga ito kung kailan ang tama at tama na.

Bagamat nakakalito kung minsan dahil noong unang buwan nang pag-upo ni Pangulong Duterte bilang Presidente ay nasabi niya na bawal tumanggap ng regalo ang mga kawani at opisyal ng gobyerno lalo na pagsapit ng pasko.

Pero nitong ­nakalipas lamang na mahigit isang Linggo ay sinabi ng Pangulo sa kampo Crame sa Quezon City na hindi bawal sa mga pulis ang tumanggap ng regalo kung ito’y ibinigay sa kanila bilang pasasalamat.

Mahaba-habang debate pa ang isyung ito pero para sa mga taga-gobyerno, sana pairalin ang delicadeza at huwag basta basta tatanggap, ­kahit pa may kasabihang, “lumalabo ang mata ng tumatanggi sa grasya”.

Nasa opisyal na at mga kawani ng gobyerno kung ano ang paiiralin sa kanilang sentido kumon, basta ang mahalaga ay isipin kung ito ba ay nakakatulong o nakakasira sa kanyang trabaho at pagkatao.