Game 4 ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
7:00 p.m. — TNT vs. Meralco
Wala nang patumpik-tumpik pa, didiretso na agad ang Meralco sa pagsungkit sa una sa dalawang pagkakataon na PBA Governors Cup Finals slot mamayang gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“It’s the first opportunity for us to make the PBA finals so we will go for it,” deklara ni Norman Black sa bisperas ng Game 4 ng semifinals laban sa TNT KaTropa.
Naka-back-to-back victories ang Meralco sa paggitla sa TNT sa Game 2 106-91 nung Huwebes at Game 3 119-113 nung Sabado tungo sa 2-1 series lead.
Alam din ni Black kung gaano kapuwersa ang kalaban na minsan na rin niyang naihatid sa trono ng liga gaya ng San Miguel at Sta. Lucia Realty na mga pinagdaanan niya bago napadpad sa kasalukuyang kampo.
“We understand that TNT is a powerhouse team and they can bounce back,” hirit pa ng Bolts coach. “Defense will be our focus because their offense can explode anytime.”
Muling babanat sa Bolts ang mga nagpasiklab sa last game na sina Allem Durham, Reynel Hugnatan, Chris Newsome, Jimmy Alapag, Chliff Hodge at rookie Baser Amer.
Kumonekta si Durham ng 23 points at 13 rebounds, may 21 points sa nakakabulagang 5-of-6 3-point shooting si Hugnatan. Naka-17 points si Newsome, 16 si Alapag, 13 si Hodge at 12 si Amer. Franchise-best ng Meralco ang inilistang 17 total mula long range.
Matinding adjustment ang ipapailanlang ni Jong Uichico kung may natitira pang gas mula sa kanilang tangke at makahirit ng winner-take-all.
Ayaw lang sumuko ng KaTropa, sabi nga ni Jayson Castro ay unahan sa tatlong panalo ang serye. At hangga’t walang tatlong ‘W’ ay hindi pa tapos ang laban.