Tatapusin ng NU, o isasagad ng Ateneo

Nahuli ng pihit si Julia Morado (2) ng Ateneo, hindi na nahabol ang bola. Kinapos ang Lady Eagles sa NU sa opener ng Shakey’s V-League finals, susubukin na pigilin ang selebrasyon ng Lady Bulldogs sa Game 2 mamaya sa PhilSports Arena. (Patrick Adalin)

Mga laro ngayon (PhilSports Arena)
4:00 p.m. — UP vs. FEU (Game 2 for 3rd)
6:00 p.m. — Ateneo vs. NU (Game 2 finals)

Tatangkain ng National U na sagpangin na ang korona ng Shakey’s V-League Collegiate Conference­ title, sasakay sa momentum ng five-set win laban sa palaban na Ateneo sa Game 1 noong Lunes sa PhilSports Arena.

Pero kumpiyansa ring sasalang ang Ateneo, kahit­ naubusan ay kitang pinahirapan nang husto ang Lady Bulldogs bago naisuko ang 25-21, 19-25, 23-25, 25-18, 18-16 decision.

Sa parehong venue mamaya, all-out din ang Lady Eagles para pigilin ang selebrasyon ng Lady Bulldogs.

Sumandal ang Ateneo sa net defense at solid blocking­ para kontrolin ang kaagahan ng fifth set, dalawang bese­s dumistansiya ng five points at dalawang beses ding ­dumikit sa match point pero hindi nakumpleto ang panalo.

Mula sa 14-13 at 15-14 pagkakaiwan, tinuhog ng NU ang apat sa sumunod na limang puntos para agawin ang panalo at dumikit sa korona.

Si Jhoanna Maraguinot ang surprise package ng Lady Eagles sa Game 1, baka may panggulat muli si coach Tai Bundit ngayon para isagad ang serye.

Muli ay sina Jaja Santiago ang pangunahing armas ng NU, pero may bala pa si assistant coach Edjet Mabbayad­ kay Aiko Urdas na naglista ng tatlo sa huling apat na puntos­ na nagselyo sa panalo ng NU sa opener ng best-of-three series.