Tatay, Nanay pinatay ng anak

Kalunos-lunos ang sinapit ng mag-asawang matanda na kapwa naligo sa sariling dugo matapos silang pagta­tagain ng kanilang anak na umano’y may diperensiya sa pag-iisip kamakalawa sa bayan ng Siruma, Camarines Sur.

Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Ricardo Cordial, 63-anyos, at Leusarin Cordial, 61-anyos, pawang residente ng Barangay Mabuhay ng nabatid na bayan.

Samantala, hawak na ng awtoridad ang suspek na si Rey Cordial, 27-anyos, umano’y may diperensiya sa pag-iisip.

Sa naantalang ulat na isinumite ng Siruma Municipal Police Station (MPS) sa Police Regional Office (PRO) kahapon, nadiskubre na lang ang bangkay ng mag-asawang biktima sa loob ng kanilang bahay pasado alas-10:00 ng umaga na kapwa tadtad ng saksak.

Nauna dito, ayon sa ilang mga kapitbahay nito ay nakitang nagwawala ang suspek sa kalsada na may dalang itak malapit sa kanilang bahay kaya agad itong inawat ng kanyang nanay at pilit na pinapakalma.

Pagpasok ng mag-ina sa loob ng bahay ay nagkaroon ng kaguluhan subalit makalipas ang ilang minuto ay biglang tumahimik din kaya’t inakala ng mga kapitbahay na napakalma na ng mag-asawa ang kanilang anak.

Subalit makalipas ang dalawang oras ay nadiskubre ang bangkay ng dalawang matandang biktima sa loob ng kanilang kubo.

Mabilis namang naaresto ng rumespondeng pulisya ang suspek na isasailalim sa medical examination upang ma­laman kung sa kulungan ito babagsak o sa mental hospital.