Tatay ng Maute bantay-sarado sa kulungan

Todong pagbabantay­ ang ipinatutupad ng pulisya­ sa Camp Bagong Diwa, ­Bicutan, Taguig kung saan nakakulong si Cayamora Maute, ang ama ng kilabot na lider ng Mauter terror Group na sina Omar at Abdullah Maute.

Si Cayamora ay duma­ting kamakalawa ng hatinggabi sa Maynila mula sa Davao City para ikulong sa layong hindi ito maitakas ng mga terorista.

Tiniyak ni NCRPO chief, Director Oscar Albayalde na walang banta ng Maute sa Metro Manila.

“Kailangang higpitan po natin ang ating ipi­natutupad na pagbabantay sa kulungan ni Cayamora dahil dapat po para na rin sa kanyang seguridad. At para hindi rin magtagumpay ang plano kung mayroon man planong pagtakas sa kanya,” wika ni Albayalde.

Idinagdag ni Albayalde na kailangan ang pagihigpit upang maiwasan ang posibleng mangyaring paglusob ng mga terorista na dati nang ginagawa ng grupong Maute sa mga naaaresto at nakukulong nilang mga kasamahan.

“May dati nang pagkilos ang mga teroristang Maute sa mga kasamahan nilang nadarakip, nilulusob nila kung saan nakakulong at kanilang ire-rescue, kaya ngayon po ay todo alerto tayo sa pagbabatay para hindi sila magtagumpay,” dagdag pa ni Albayalde.

Inaresto si Cayamora sa isang checkpoint sa Barangay Sirawan Toril, Davao City kasama ang iba pa habang sakay ng Toyota Grandia.