Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
2:00 p.m. — San Sebastian vs. EAC (srs)
4:00 p.m. — Mapua vs. St. Benilde (srs)

Isang panalo lang sa tatlong natitirang laro ang kailangan ng Mapua Cardinals para dumiretso na sa Final Four ng 92nd NCAA men’s basketball tournament.

Uumpisahan ng Cards ang tatlong tsansa kontra problemadong College of Saint Benilde Blazers mamaya sa The Arena sa San Juan.

Sa 10-5 ay nasa No. 4 ang Mapua sa likod ng pasok na sa semifinals na Arellano U Chiefs (11-3), San Beda Red Lions (12-4) at Perpetual Help Altas (11-5).

May isa pang laro ang No. 5 Jose Rizal U Heavy Bombers (9-8).

Bukod sa F4, malaki rin ang tsansa ng Cardinals na makasungkit ng twice-to-beat advantage sakaling maipanalo ang lahat ng kanilang laban.

Twice-to-beat ang top two finishers pagkatapos ng 18-game eliminations.

Huhugot ng puwersa ang Cardinals kay reigning Rookie-MVP Allwell Oraeme para makuha ang panalo sa Blazers na bokya sa 15 salang.

“We have to treat all the teams with respect and play hard every game,” saad ni 20-year-old O­raeme.

Bumira si 6-foot-9 Nigerian Oraeme ng 21 points at 23 rebounds nang patalsikin ng Mapua ang defending champion Letran Knights 77-72 noong Martes.