Nagwakas sa bangungot ang masaya sanang outing ng pamilya at mga kaibigan ng isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos itong malunod sa resort sa Real, Quezon kamakalawa nang gabi.
Dali-daling isinugod ng mga rescuer sa Claro M. Recto District Hospital sa Infanta ang biktimang si Manuel Frias Nepomuceno Jr., 43-anyos, subalit ideneklara na itong dead-on-arrival ng doktor.
Galing sa Holy Spirit, Quezon City ang grupo ng biktima at dumayo nang paliligo sa isang resort sa Brgy. Tignoan.
Naliligo na sa tabing dagat ang biktima at ang ilan nitong kaibigan nang bigla na lamang itong tangayin ng malakas na agos ng tubig at ng malalaking alon.
Tuluyang napunta sa malalim na bahagi ang biktima at lumubog sa tubig ng ilang minuto bago pa ito nasagip ng mga rescuer.