Mabilis na binawi ni Senador Manny Pacquiao ang pinakalat na impormasyon ng promoter ng Top Rank na si Mr. Bob Arum na kakandidato siya sa pagiging pangulo sa 2022.
Malinaw ang sinabi ng kanyang promoter, sinabi raw sa kanya ng Pambansang Kamao ang kanyang planong pagsabak sa panguluhan sa susunod na eleksiyon, desidido na raw ang senador.
At lumundag na agad si Pacman sa kanyang tagumpay, ayon pa sa promoter, dahil iniimbitahan na diumano ito ng Pambansang Kamao sa kanyang inagurasyon.
Ayon sa boksingero ay wala raw silang napag-usapan tungkol sa mundo ng pulitika ng kanyang promoter, umikot lang daw sa boxing ang kanilang paksa, wala raw siya sinabing sasabak na siya sa panguluhan sa 2022.
Umaksiyon agad ang senador para linawin ang sinabi ng Top Rank promoter dahil hindi naging maganda ang resulta ng inilabas nitong impormasyon.
Puro negatibong reaksiyon ang tinanggap ng Pambansang Kamao, lalo na tungkol sa diumano’y imbitasyon niya sa promoter sa kanyang inagurasyon, napakasyumero raw naman ng palabang boksingero sa papasukin niyang laban sa pagiging pangulo.
Ang unang-unang naglabas ng saloobin ay ang kanyang mga empleyado sa MPBL, ang kanyang sariling propesyonal na paliga sa basketball na iba-ibang probinsiya ang naglalaban-laban, may limampung empleyado niya ang mag-aapat na buwan na ngayong hindi sumusuweldo.
Ang masaklap pa, ayon sa grupo ay dumaan ang pinakamatinding hamon sa kanilang buhay, ang lockdown, pero kahit kaunting ayuda man lang ay walang ibinigay sa kanila ang senador.
Sabi pa ng aming source, “Kaya kapag napapanood nila si Pacman na namimigay ng tulong sa mga kababayan natin, e, sumasama ang loob nila. Kapag may mga camera raw, e, mabilis siyang mamahagi ng ayuda, samantalang silang mga nagtatrabaho sa MPBL, e, nagugutom ang mga pamilya!” madiing reaksiyon ng aming kausap.
Sino kaya sa kanila ng kanyang boxing promoter ang nagsisinungaling at nagsasabi ng totoo? Kung walang kinumpirma si Senador Pacquiao kay Bob Arum ay napakatsismoso naman pala ng boxing promoter na ito?
Maselan ang isyung inilabas nito, mapaghahandaan na agad ng kanyang mga makakatunggali sa posisyon ang kampeong boksingero, saka hindi maganda sa pandinig na ngayon pa lang ay siguradung-sigurado na ang senador sa kanyang tagumpay sa panguluhan.
Agad-agad? Parang wala lang? Na nakaamba na palang maging First Lady si Jinkee Pacquaio?
Hunk actor busog sa mga bakla
Kuwento ng aming impormante ay hindi masyadong naapektuhan ng lokdown ang isang kilalang male personality. Wala man siyang trabaho, wala man siyang kinikita, ay kampante lang ang hunk actor na ito.
“Para lang siyang nakasandal sa pader, magugutom ang ibang mga kasamahan niyang artista, pero ang isang ito, e, relax lang!
“Marami kasi siyang maaasahan, isang tawag lang niya, e, siguradong darating na ang mga biyayang kailangan niya! Ano nga naman ang silbi ng kanyang mga gay benefactors?
“Sa mga ganu’ng panahon niya kailangang-kailangan ang ayuda, di ba naman? Kaya hindi siya napraning nu’ng lockdown!
“Chillax lang siya, hindi problemado, hindi nanggaling sa LGU ang mga ayudang tinatanggap niya kundi sa kanyang mga azucrera de papa!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Magaleng!